Photo: Cougar 69th Batallion
Palauig, Zambales – Aktibong nakilahok ang 69th Infantry Cougar Battalion, Philippine Army, sa isang outreach program na isinagawa ng Ford Off-Roaders Club Philippines sa pangunguna ng kanilang Pangulo na si Mr. Pedro Simon, na ginanap sa Barangay Aglao, San Marcelino, Zambales noong ika-labing apat ng Marso 2026.
Layunin ng naturang outreach program na makapaghatid ng tulong at suporta sa mga residente ng komunidad sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga donasyon at iba pang serbisyong makatao. Nakiisa at tumulong ang mga sundalo ng 69th Infantry Battalion sa maayos na pagsasagawa ng programa, kabilang ang pag-aayos ng lugar at pagtitiyak ng kaayusan at kaligtasan ng mga kalahok sa buong aktibidad.

Photo: Cougar 69th Batallion
Bilang bahagi rin ng aktibidad, nagkaroon ng West Philippine Sea Gallery Display upang maipabatid sa publiko ang kahalagahan ng West Philippine Sea sa soberanya, seguridad, at kabuhayan ng mamamayang Pilipino. Sa pamamagitan ng naturang exhibit, nabigyan ng pagkakataon ang mga kalahok at residente na mas mapalalim ang kanilang kaalaman at kamalayan hinggil sa kahalagahan ng karagatang ito sa bansa.
Ipinakita ng nasabing gawain ang matibay na ugnayan at pagtutulungan ng militar at mga sibilyang organisasyon sa paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga komunidad. Sa pamamagitan ng mga ganitong inisyatibo, patuloy na ipinapakita ng Philippine Army at ng Ford Off-Roaders Club Philippines ang kanilang dedikasyon sa paglilingkod sa bayan, pagpapalakas ng pagkakaisa, at pagsusulong ng kapakanan ng mamamayan.
Nagpahayag din ng taos-pusong pasasalamat ang 69th Infantry Battalion, Philippine Army sa mga organizer at volunteers sa kanilang malasakit at patuloy na pagsuporta sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong.
