Photo: Olongapo City Police Office (OCPO)

Olongapo City – Patuloy ang pinaigting na kampanya ng Olongapo City Police Office (OCPO) laban sa ilegal na droga matapos maaresto ang limang (5) hinihinalang drug personalities sa magkakahiwalay na operasyon na isinagawa noong Marso 28, 2026.

Sa ilalim ng pamumuno ni Acting City Director PCOL Deonido S. Maniago Jr., nagsagawa ng serye ng buy-bust operations ang iba’t ibang yunit ng OCPO na nagresulta sa pagkakadakip ng mga indibidwal na kabilang sa High Value Individuals (HVI) at Street Level Individuals (SLI).

Batay sa ulat, nadakip ng Police Station 1 kasama ang City Intelligence Unit ang isang 57-anyos na lalaki na itinuturing na lider ng isang lokal na criminal group at kabilang sa High Value Individual list. Apat (4) na sachet ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa kanya sa Elicaño Street, Barangay East Bajac-Bajac.

Sa isa pang operasyon, naaresto ng Police Station 4 – Station Drug Enforcement Unit (SPDEU) ang isang 35-anyos na lalaki na kabilang naman sa Regional Level High Value Individual sa Barangay New Cabalan. Tatlong (3) sachet ng hinihinalang shabu ang narekober mula sa suspek.

Samantala, matagumpay ding naisagawa ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU) at Police Station 5 – SDEU ang isang operasyon sa Sta. Rita Road na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 36-anyos na lalaki. Nakumpiska mula sa kanya ang limang (5) plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 2.472 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php16,809.60.

Dalawa pang suspek na kabilang sa Street Level Individuals list ang nadakip ng Police Station 3 sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay New Kalalake. Apat (4) na sachet ng hinihinalang shabu at ang ginamit na marked money ang nakumpiska sa kanila.

Ayon sa OCPO, ang sunod-sunod na operasyong ito ay bahagi ng tuloy-tuloy na hakbang ng kapulisan upang labanan ang paglaganap ng ilegal na droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.

“Patuloy ang aming kampanya laban sa ilegal na droga. Ang bawat matagumpay na operasyon ay hakbang tungo sa mas ligtas na komunidad para sa mga Olongapeño,” pahayag ni Acting City Director PCOL Maniago.

Ang mga naarestong indibidwal at mga nakumpiskang ebidensya ay sumasailalim na sa kaukulang proseso para sa pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *