San Marcelino, Zambales – Bilang paghahanda sa nalalapit na panahon ng tag-init, nagsagawa ng mandatory inspection ang Municipal Tourism Office ng San Marcelino, Zambales sa iba’t ibang resort, swimming pool, at mga pasyalan sa bayan upang matiyak ang kaligtasan, kalinisan, at kaayusan ng mga establisimyento na dinarayo ng mga turista at residente.

Ang naturang inspeksyon ay isinagawa sa inisyatibo ng Punong Bayan ng San Marcelino na si Elvis Ragadio Soria bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na mapanatili ang mataas na pamantayan ng turismo sa bayan.

Katuwang ng Municipal Tourism Office sa isinagawang pag-iikot ang Provincial Tourism Office of Zambales, si Louella P. Aquino, MD – Chairperson ng Committee on Tourism ng Sangguniang Bayan, ang Department of Trade and Industry (DTI) Zambales, at ang Provincial Tourist Police of Zambales. Kabilang sa mga binisitang lugar ang mga resort, swimming pool facilities, at ang kilalang Lake Mapanuepe.

Sa isinagawang inspeksyon, masusing sinuri ang kalagayan ng mga pasilidad upang matiyak ang pagsunod sa mga pamantayan sa kaligtasan at kalinisan. Kabilang dito ang pagkakaroon ng sapat na lifeguard, mga kinakailangang safety equipment, at ang kumpletong dokumentasyon tulad ng Mayor’s Permit at iba pang mga kaukulang permit at sertipikasyon.

Layunin ng hakbang na ito na matiyak na ang lahat ng establisimyento na tumatanggap ng mga bisita ay sumusunod sa umiiral na mga regulasyon at pamantayan, upang mapangalagaan ang kapakanan ng publiko, lalo na sa panahon ng inaasahang pagdagsa ng mga turista ngayong summer season.

Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatibo, patuloy na pinatitibay ng Pamahalaang Bayan ng San Marcelino, Zambales ang kanilang pangako na maitaguyod ang isang ligtas, maayos, at kaaya-ayang destinasyon para sa lahat. (San Marcelino Public Information Office)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *