By: BFAR Gitnang Luzon
Pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3 (BFAR-3) ang matagumpay na pag-aani ng bangus sa ilalim ng kanilang Techno Demo Project on Cage Culture of Milkfish para sa San Gabriel Farmers, Fisherfolk and Vegetable Association sa Brgy. San Gabriel, Macabebe, Pampanga.
Umabot sa humigit-kumulang 700 kilo ang kabuuang ani ng bangus, na may average body weight na 305 gramo bawat isa. Layunin ng nasabing proyekto na maipakita ang epektibong teknolohiya at wastong pamamahala sa cage culture ng bangus upang mapataas ang produksyon at kita ng mga lokal na mangingisda.

Sa pamamagitan ng patuloy na teknikal na gabay at suporta mula sa BFAR-3, inaasahang higit pang mapapalakas ang kakayahan ng samahan sa pagpapaunlad ng kanilang aquaculture operations. Malaki rin ang maitutulong ng proyekto sa pagpapatatag ng suplay ng isda sa komunidad at sa pagsusulong ng seguridad sa pagkain sa rehiyon.
Patunay ang matagumpay na pag-aani na sa tulong ng makabagong teknolohiya at aktibong pakikipagtulungan ng pamahalaan at mga samahan ng mangingisda, posible ang mas mataas at mas napapanatiling produksyon sa sektor ng pangisdaan.
