Photo Courtesy of Bulacan Police Provincial Office

CAMP GENERAL ALEJO S. SANTOS, Malolos City, Bulacan — Isang post sa social media ang naging susi sa pagkakaaresto ng isa sa mga suspek sa naganap na halos Php 3.3 milyong robbery sa Brgy. Turo, Bocaue, Bulacan.

Sa ulat ni PLTCOL Gilbert C. Diaz, hepe ng Bocaue Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang 7:20 ng gabi noong Pebrero 25, 2026 sa Villa Zaragoza. Apat na armadong lalaki ang sapilitang pumasok sa isang bahay at tinangay ang mga alahas at cellular phones na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php 3,296,500 bago tumakas sakay ng isang puting Honda City na may plakang ABT-5774.

Sa kabila ng maingat na pagpaplano ng mga suspek, isang hindi inaasahang pagkakamali ang nagbigay-daan sa kanilang pagkakakilanlan. Makalipas ang tatlong araw, isang lalaki ang nag-post sa social media tungkol sa nawawala umano nitong plaka ng sasakyan—plakang tumugma sa sasakyang ginamit sa krimen.

Dito na nagsagawa ng intelligence-driven operation ang pinagsanib na pwersa ng Bocaue MPS at Bulacan Provincial Intelligence Unit. Nagpanggap ang mga operatiba bilang nakapulot ng plaka at nakipagkita sa suspek sa himpilan ng pulisya sa Tanay, Rizal. Sa naturang pagkikita, agad siyang nakilala ng isa sa mga saksi bilang isa sa mga armadong lalaki na sangkot sa insidente, dahilan upang siya ay maaresto sa ilalim ng hot pursuit operation.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natuklasang ang naturang sasakyan ay iniuugnay din sa mga kahalintulad na insidente sa Parañaque at iba pang lugar, at konektado umano sa isang grupong kriminal na kilala bilang “Rizal Group.”

Ayon kay PCOL Angel L. Garcillano, Provincial Director ng Bulacan Police Provincial Office, ipinapakita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng mabilis na koordinasyon, teknolohiya, at pakikipagtulungan ng mga yunit ng pulisya sa paglutas ng krimen.

Samantala, patuloy ang manhunt operation laban sa iba pang suspek habang nakasampa na ang kasong robbery laban sa naarestong indibidwal sa Office of the Provincial Prosecutor sa Malolos City. (Bulacan Police Provincial Office)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *