Photo courtesy of BFAR Gitnang Luzon
City of San Fernando, Pampanga – Isang mahalagang hakbang tungo sa pambansang pagpapaunlad ng industriya ng crayfish ang naisakatuparan sa kauna-unahang Crayfish Farmers and Stakeholders General Assembly na pinangunahan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Region 3 (BFAR 3), katuwang ang Crayfish Organization of the Philippines, Inc. (COPI).
Pinagsama-sama ng pagtitipon ang mga crayfish farmers, aquaculture stakeholders, at mga katuwang na ahensya ng pamahalaan mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa upang pag-isahin ang direksyon ng sektor at palakasin ang pundasyon ng isang organisado at responsableng crayfish industry sa Pilipinas.
Sa mensahe ni BFAR 3 Regional Director Wilfredo Cruz, binigyang-diin ang potensyal ng crayfish bilang alternatibong high-value aquaculture commodity na maaaring magbigay ng dagdag kabuhayan sa mga magsasaka at makapag-ambag sa seguridad sa pagkain. Aniya, mahalaga ang koordinasyon ng pamahalaan at pribadong sektor upang matiyak na ang paglago ng industriya ay naaayon sa mga umiiral na pamantayan at pangmatagalang sustainability.

Photo courtesy of BFAR Gitnang Luzon
Isa sa mga tampok ng programa ang pagtalakay ni Nicomedes Wamil sa Bureau Administrative Circular (BAC) No. 001, s. 2025 o ang Guidelines on the Culture of Australian Redclaw (Cherax quadricarinatus) in the Philippines. Ang mga alituntuning ito ay nagsisilbing pambansang balangkas upang matiyak ang maayos, ligtas, at responsableng produksyon ng Australian Redclaw sa bansa isang mahalagang hakbang sa pag-regulate at pag-standardize ng operasyon ng mga magsasaka.
Nagbahagi rin ng impormasyon ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) hinggil sa insurance programs na maaaring magsilbing safety net ng mga crayfish farmers laban sa mga panganib dulot ng kalamidad at iba pang hindi inaasahang pangyayari isang indikasyon ng mas malawak na suporta ng pamahalaan sa umuusbong na sektor.
Samantala, naglatag ang COPI ng mga best practices sa produksyon, pamamahala, at marketing ng crayfish, batay sa aktuwal na karanasan ng kanilang mga miyembro. Ipinakita nito na ang industriya ay hindi na lamang nasa antas ng eksperimento, kundi unti-unti nang nagkakaroon ng malinaw na sistema, organisasyon, at kolektibong direksyon.
Ang kauna-unahang national gathering na ito ay sumasalamin sa lumalawak na interes at partisipasyon sa crayfish farming bilang alternatibong kabuhayan at investment opportunity sa agrikultura at aquaculture. Higit pa sa isang pagpupulong, ito ay nagsilbing panimulang hakbang tungo sa mas inklusibo, organisado, at globally competitive na industriya ng crayfish sa Pilipinas.
Sa patuloy na pakikipagtulungan ng BFAR 3 at COPI, inaasahang mas mapapalawak ang suporta, teknikal na gabay, at access sa merkado ng mga magsasaka hindi lamang sa Central Luzon kundi sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. (BFAR Gitnang Luzon)
