Photo by: MENRO San Marcelino
San Marcelino, Zambales – Nagdaos ng pagsasanay ang Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng San Marcelino kaugnay ng wastong paghawak at pamamahala ng electronic waste (e-waste) bilang bahagi ng patuloy na kampanya ng lokal na pamahalaan para sa pangangalaga ng kalikasan.
Isinagawa ang Electronic Waste Handling and Management Training noong Lunes, Marso 9, 2026, sa pangunguna ni MENR Officer Marvin Beltran, RN. Layunin ng aktibidad na palawakin ang kaalaman ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang barangay tungkol sa tamang paghihiwalay, pag-iimbak, at disposisyon ng mga sirang o hindi na ginagamit na elektronikong kagamitan.
Kabilang sa mga tinalakay na e-waste ang mga lumang cellphone, tablet, computer, telebisyon, washing machine, radyo, at iba pang kagamitang gumagamit ng kuryente o baterya na maaaring magdulot ng panganib sa kalikasan kapag hindi maayos na itinapon.
Naging panauhing tagapagsalita si Mr. Kevin Lords D. Montevergin, Information Officer I ng Department of Information and Communications Technology (DICT) Zambales. Ibinahagi niya ang mahahalagang impormasyon hinggil sa responsableng paggamit ng teknolohiya at ang kahalagahan ng tamang pamamahala ng electronic waste upang maiwasan ang masamang epekto nito sa kapaligiran at kalusugan ng mamamayan.
Dinaluhan din ang aktibidad ni Hon. Sangguniang Bayan Member Earl B. Yap, MD, Chairperson ng Committee on Environment, na nagpahayag ng suporta sa mga programang naglalayong palakasin ang mga inisyatiba para sa pangangalaga sa kalikasan.
Ang naturang pagsasanay ay bahagi ng patuloy na programa ng Lokal na Pamahalaan ng San Marcelino sa pamumuno ni Hon. Mayor Elvis Ragadio Soria upang mapalawak ang kamalayan ng komunidad sa wastong pamamahala ng mga uri ng basura, kabilang ang mga nagmumula sa makabagong teknolohiya. (San Marcelino Public Information Office)
