Photo: BFAR Gitnang Luzon

Bulacan, Philippines — Patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang suporta sa sektor ng pangisdaan matapos makatanggap ang 144 na mangingisda sa lalawigan ng Bulacan ng fuel subsidy cards na nagkakahalaga ng ₱3,000 bawat isa. Ang pamamahagi ay isinagawa sa pamamagitan ng Universal Storefront Services Corporation (USSC) bilang bahagi ng programa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) upang makatulong sa pagharap ng mga mangingisda sa tumataas na presyo ng petrolyo.

Ang naturang tulong ay inilaan para sa mga rehistradong mangingisda sa Fisherfolk Registration System (FishR) at Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture. Kabilang din sa kwalipikasyon ang pagmamay-ari ng municipal motorized fishing boats na nakarehistro sa BoatR. Tiniyak ng BFAR–Fisheries Information Management Center (FIMC) ang masusing beripikasyon ng mga datos upang maging maayos at mabilis ang proseso ng pamamahagi ng subsidy.

Photo: BFAR Gitnang Luzon

Ayon kay Provincial Fisheries Officer Joseph Bitara, mahalaga ang programang ito upang matulungan ang maliliit na mangingisda na patuloy na naapektuhan ng pagtaas ng gastusin sa kanilang hanapbuhay. “Patuloy kaming nagsisikap na makapaghatid ng mga programang magpapalakas sa kabuhayan ng ating mga mangingisda,” aniya.

Samantala, ibinahagi ni Dominador De Ocampo ng Obando, Bulacan ang kahalagahan ng tulong na kanilang natanggap. Aniya, malaking ginhawa ito sa kanilang pang-araw-araw na pangingisda at sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Dahil sa subsidy, nagkakaroon sila ng mas malaking pagkakataon na makalaot at makapaghanapbuhay.

Naging maayos ang pamamahagi ng fuel subsidy sa tulong ng mga lokal na opisyal at kawani mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan. Pinangunahan ang aktibidad ni Provincial Agriculturist Ma. Gloria SF. Carrillo, kasama ang mga municipal agriculturists ng Calumpit, Bulakan, Hagonoy, Obando, Paombong, Malolos, at Meycauayan.

Inaasahan pa ang mga susunod na pamamahagi ng fuel assistance sa ilalim ng Presidential Assistance to Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP) ngayong taon, na may target na 17,300 benepisyaryo sa rehiyon. Layunin ng programang ito na patuloy na suportahan ang mga mangingisda at mapanatili ang katatagan ng sektor ng pangisdaan sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya. (BFAR Gitnang Luzon)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *