Pinangunahan ni Assistant Secretary on Logistics Daniel Alfonso Atayde (3rd sa kanan) at ibang opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Dinalupihan Bataan Mayor German M. Santos Jr. (2nd sa kaliwa) ang ribbon-cutting ceremony sa turnover ng kauna-unahang solar at wind-powered modular cold storage facility sa bansa noong Abril 23, 2026 sa Dinalupihan, Bataan. Ang ₱14.6-milyong pasilidad ay inaasahang magpapalakas sa kapasidad ng imbakan, magbabawas ng post-harvest losses, at susuporta sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng makabago at environment-friendly na teknolohiya
DINALUPIHAN, BATAAN — Isang makabagong hakbang sa pagpapalakas ng agricultural logistics ang inilunsad ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) matapos pormal na isagawa ang turnover ng kauna-unahang solar at wind-powered modular cold storage facility sa Pilipinas noong Abril 23, 2026 sa bayang ito.
Ang proyekto, na may kabuuang halagang ₱14,625,000, ay ipinatupad sa ilalim ng Locally Funded Projects – Cold Storage Expansion Program ng Agricultural and Fisheries Logistics Office (AFLO). Layunin nitong mapabuti ang kapasidad ng lalawigan sa pag-iimbak ng mga high-value agricultural commodities, habang pinapanatili ang kalidad at pinahahaba ang shelf life ng mga produkto.

Photo By: Department of Agriculture III
Ayon sa DA, ang pasilidad ay gumagamit ng renewable energy mula sa solar at wind power, na hindi lamang makatutulong sa pagbawas ng operational costs kundi magbibigay rin ng mas environment-friendly na solusyon para sa food storage system ng lalawigan.
Inaasahang malaki ang magiging benepisyo nito sa mga lokal na magsasaka at mangingisda, lalo na sa pagpigil ng post-harvest losses at pagtiyak na mas sariwa at de-kalidad ang mga produktong naihahatid sa merkado.
Dagdag pa ng ahensya, ang proyektong ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na palakasin ang agricultural value chain at modernisahin ang food logistics infrastructure sa bansa.
Sa pamamagitan ng naturang cold storage facility, inaasahang mas mapapabuti ang kita ng mga prodyuser at mas mapatatag ang suplay ng pagkain sa rehiyon, kasabay ng pagsusulong ng sustainable at climate-resilient na mga solusyon sa agrikultura. (Department of Agriculture III)
