SUBIC, Zambales – Libo-libong mag-aaral mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Subic ang nakatanggap ng libreng school bags at school kits mula sa Pamahalaang Bayan ng Subic sa pangunguna ni Mayor Jonathan “Jon” Khonghun bilang bahagi ng patuloy na pagsuporta ng lokal na pamahalaan sa edukasyon.
Nakiisa sa pamamahagi si Chief of Staff Janjo Khonghun, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga Punong Barangay, na personal na nag-abot ng mga school bags at iba pang mahahalagang school supplies sa mga benepisyaryo.
Ayon kay Mayor Khonghun, layunin ng programa na matulungan ang mga mag-aaral na maging handa sa pagbubukas ng klase habang nababawasan ang gastusin ng kanilang mga magulang.

“Patuloy nating isinusulong ang mga programang pang-edukasyon at pangkabuhayan upang mapabuti ang kapakanan ng bawat kabataang Subikeño at mabigyan sila ng mas magandang kinabukasan,” ani Mayor Khonghun.
Nagpasalamat naman ang mga magulang at guro sa patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa sektor ng edukasyon. Anila, malaking tulong ang libreng school bags at school kits, lalo na sa mga pamilyang may limitadong pinagkukunan ng kabuhayan.
Ang pamamahagi ay bahagi ng mga programang pang-edukasyon ng Pamahalaang Bayan ng Subic na naglalayong suportahan ang pag-aaral at kapakanan ng mga kabataang Subikeño.
