Photo by: 69TH Infantry Cougar Battallion

PALAUIG, Zambales — Mas pinaigting ng Armed Forces of the Philippines (AFP), mga ahensya ng pamahalaan, at mga people’s organizations (POs) ang kanilang pagtutulungan upang isulong ang pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Zambales sa pamamagitan ng Memorandum of Partnership Agreement (MOPA) sa ilalim ng programang Central Luzon Empowered Associations Ready for Development (CLEARED).

Nakiisa ang 69th Infantry (COUGAR) Battalion, sa pangunguna ni LTC Mark Anthony B. Ruelos INF (GSC) PA, sa MOPA signing na pinangunahan ng 7th Civil-Military Operations Battalion (7CMOBn) sa pamumuno ni LTC Russell Anthony B. Bumanglag INF (GSC) PA.

Pinagtibay ng kasunduan ang pakikipag-ugnayan sa anim na people’s organizations na kinabibilangan ng Old Villar Farmers Association, Fisher United Alliance Masinloc, AGAP Zambales, Samahang Pangkabuhayan ng Magsasaka at Mangingisda ng Masinloc, Samahan ng Organisadong Aeta sa Buhawen, at Subikeña. Layunin nitong palawakin ang partisipasyon ng mga komunidad sa pagpapatupad ng mga programang pangkabuhayan, pangkapayapaan, at pangkaunlaran.

Photo by: 69TH Infantry Cougar Battallion

Nagpahayag din ng suporta ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagdalo ng mga kinatawan mula sa Zambales Police Provincial Office, Department of the Interior and Local Government, Philippine Coast Guard, Zambales Provincial Agriculture Office, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources. Ang kanilang pakikilahok ay nagpapakita ng patuloy na pagpapatupad ng whole-of-government approach sa pagtugon sa mga pangangailangan ng mga komunidad.

Binigyang-diin ni LTC Bumanglag na ang matatag na ugnayan ng pamahalaan at mga people’s organizations ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang inklusibong pag-unlad. Samantala, tiniyak ni LTC Ruelos ang patuloy na suporta ng 69th Infantry (COUGAR) Battalion sa mga programang nagbibigay ng pagkakataon sa mga komunidad na maging aktibong katuwang sa pagpapaunlad ng kanilang mga lugar.

Sa pamamagitan ng kasunduang ito, inaasahang higit pang mapapalakas ang kooperasyon ng pamahalaan at mamamayan tungo sa isang ligtas, mapayapa, at maunlad na Zambales.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *