Photo by: Municipality of Morong Bataan

MORONG, Bataan — Nagsagawa ang Agricultural Training Institute–Regional Training Center III (ATI-RTC III), katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, ng Techno Klinik 8 on Good Agricultural Practices (GAP) on Coconut Production and Management sa Bayan ng Morong noong Hulyo 28 upang mapalakas ang kaalaman at kakayahan ng mga magniniyog sa lalawigan.

Isinagawa ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Provincial Agriculture Office (OPA)-Bataan, Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Department of Trade and Industry (DTI)-Bataan, at Municipal Agriculture Office ng Morong bilang bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng mga programang sumusuporta sa pag-unlad ng industriya ng niyog.

Sa pagsasanay, tinalakay ang mahahalagang paksa sa Good Agricultural Practices kabilang ang wastong pagtatanim at pangangalaga ng niyog, tamang nutrisyon ng pananim, pest and disease management, farm sanitation, harvesting, at post-harvest handling upang mapataas ang kalidad at dami ng ani ng mga magsasaka.

Photo by: Municipality of Morong Bataan

Nagbahagi rin ang PCIC ng impormasyon tungkol sa agricultural insurance na nagbibigay ng proteksyon sa mga magsasaka laban sa mga panganib na maaaring makaapekto sa kanilang produksyon. Samantala, ipinaliwanag ng DTI-Bataan ang mga oportunidad sa entrepreneurship, product development, at pagpapalawak ng merkado para sa mga produktong mula sa niyog.

Ipinakilala rin ng ATI-RTC III ang mga programa nito, kabilang ang Coconut Farmers and Industry Development Plan (CFIDP) Internship Program, na naglalayong suportahan ang pagpapaunlad ng industriya ng niyog at kabuhayan ng mga magniniyog.

Nagbigay naman ng mensahe si Morong Mayor Leila G. Linao-Muñoz, na muling tiniyak ang suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programang naglalayong mapataas ang produktibidad, kita, at kabuhayan ng sektor ng agrikultura.

Ayon sa mga katuwang na ahensya, ang Techno Klinik ay patunay ng sama-samang pagkilos ng pambansa, panlalawigan, at lokal na pamahalaan upang maihatid sa mga magsasaka ang makabagong kaalaman, teknolohiya, at mga serbisyong makatutulong sa pagpapalakas ng produksyon at pagpapaunlad ng sektor ng niyog sa Bataan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *