Photo by: Municipality of Morong Bataan

MORONG, Bataan – Mas pinalakas ang representasyon ng mga katutubong pamayanan sa lokal na pamahalaan matapos manumpa sa tungkulin si Hon. Philip M. Dumlao bilang Barangay Indigenous Peoples Mandatory Representative (BIPMR) ng Sangguniang Barangay ng Barangay Binaritan noong Agosto 3, 2026.

Pinangunahan ni Mayor Hon. Leila G. Linao-Muñoz ang oath-taking ceremony, na naglalayong tiyakin ang aktibong partisipasyon ng mga Indigenous Peoples (IPs) sa paggawa ng mga polisiya at pagpapasya sa antas ng barangay.

Si Dumlao, na kabilang sa Aeta Tribung Magbukun, ang magsisilbing opisyal na kinatawan ng mga katutubong pamayanan sa Sangguniang Barangay. Inaasahan siyang magsusulong ng mga programang magtataguyod sa karapatan, kapakanan, kultura, at mga adhikain ng mga katutubo, habang tinitiyak na maririnig ang kanilang tinig sa mga usaping may kinalaman sa pamamahala at pag-unlad ng komunidad.

Photo by: Municipality of Morong Bataan

Ayon Mayor Hon. Leila G. Linao-Muñoz, ang panunumpa ng bagong BIPMR ay patunay ng patuloy nitong pagsusulong ng inklusibong pamamahala at ng pagkilala sa mahalagang papel ng mga Indigenous Peoples bilang katuwang sa paghubog ng mga programa at proyektong pangkaunlaran sa barangay.

Naging saksi sa panunumpa sina Sangguniang Bayan Member Hon. Shirley T. Restom, IPMR Representative; Punong Barangay Hon. Roberto S. Del Rosario ng Barangay Binaritan; at MLGOO VI Laverne C. Gonzales Jr. ng Department of the Interior and Local Government (DILG)-Morong.

Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang pagkakaroon ng Indigenous Peoples Mandatory Representative ay mahalagang mekanismo upang matiyak ang makabuluhang pakikilahok ng mga katutubo sa lokal na pamamahala at ang patuloy na pangangalaga sa kanilang kultura, tradisyon, at mga karapatan alinsunod sa umiiral na mga batas.

Binati rin Ni Mayor  Muñoz si Hon. Dumlao at nagpahayag ng tiwala na ang kanyang panunungkulan ay higit pang magpapalakas sa ugnayan ng lokal na pamahalaan at ng mga katutubong pamayanan tungo sa isang mas inklusibo at maunlad na Barangay Binaritan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *