Photo courtesy of Malolos City Information Office

Malolos City, Bulacan — Nagsagawa ang Malolos City Police Station, sa pamumuno ni PLTCOL Rommel E. Geneblazo, Hepe ng Pulisya ng Malolos, ang Ceremonial Destruction of Confiscated Open Pipe at Modified Muffler sa tabi ng New Malolos City Hall.

Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagpapatupad ng mga batas laban sa polusyon sa ingay at sa pangangalaga ng kalikasan.

Isinagawa ang naturang aktibidad alinsunod sa Presidential Decree No. 984 (Pollution Control Law) na nagbabawal sa mga gawaing nagdudulot ng polusyon kabilang ang labis na ingay; kaugnay ng Republic Act No. 8749 (Philippine Clean Air Act of 1999) na kumikilala sa ingay bilang isang uri ng polusyon sa kapaligiran; at alinsunod din sa Kapasyahang Panlalawigan Bilang 25-2016, na inamyendahan ng Panlalawigang Kautusan Bilang 18-2017, at pinagtibay ng Kapasyahang Panglungsod Bilang 1256-2020, na mahigpit na nagbabawal sa paggamit ng maiingay at binagong muffler sa Lalawigan ng Bulacan.

Photo courtesy of Malolos City Information Office

Dinaluhan ang aktibidad ng Punong Lungsod ng Malolos na si IGG. Abgdo Christian D. Natividad, kasama ang Pangalawang Punong Lungsod na si IGG. Engr. Gilbert T. Gatchalian, at iba pang mga konsehal ng lungsod. Nasaksihan nila ang pagwasak sa kabuuang 153 ilegal at binagong muffler na nasamsam mula sa iba’t ibang operasyon at checkpoints.

Sa kanyang pahayag, lubos na pinasalamatan ni Mayor Natividad ang Malolos PNP sa kanilang walang humpay na pagpapatupad ng mga lokal at city ordinances laban sa ilegal at modified muffler na nagiging sanhi ng noise pollution sa lungsod. Binigyang-diin niya na mahalaga ang ganitong mga hakbang upang mapanatili ang kaayusan, kalusugan, at kapayapaan ng komunidad.

Ayon naman kay PLTCOL Geneblazo, ang aktibidad ay nagsisilbing malinaw na mensahe na ang Malolos PNP ay nananatiling mahigpit sa pagpapatupad ng batas laban sa polusyon sa ingay at patuloy na makikipagtulungan sa lokal na pamahalaan para sa isang maunlad at mapayapang lungsod.

Patuloy namang hinihikayat ng Malolos PNP ang publiko na sumunod sa umiiral na mga batas at ordinansa at makiisa sa pagsusulong ng isang tahimik, ligtas, at maayos na lungsod. (Malolos City Information Office)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *