MORONG, BATAAN — Patuloy ang paghahatid ng tulong ng Pamahalaang Bayan ng Morong sa mga residenteng nangangailangan ng agarang suporta kasunod ng epekto ng bagyo at Habagat sa ilang lugar ng bayan.
Ayon kay Mayor Leila G. Linao-Muñoz, kabilang sa mga lugar na patuloy na inaabot ng tulong ang Barangay Binaritan, partikular ang mga sitio ng Kanawan, Repakpak, Nocil, Timac, at Hanging Bridge.
Ipinamahagi sa mga residente ang mga relief box bilang bahagi ng patuloy na pagtugon ng lokal na pamahalaan sa pangangailangan ng mga pamilyang naapektuhan ng masamang panahon.
Binigyang-diin ni Linao-Muñoz na sa panahon ng kalamidad, hindi lamang pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ang mahalaga. Mahalaga rin aniya na maramdaman ng bawat pamilya na mayroon silang pamahalaan at mga kababayang handang tumulong at sumuporta sa panahon ng pagsubok.

Ayon sa alkalde, ang mga relief box ay mula sa pondong ipinagkatiwala sa Pamahalaang Bayan at inilaan upang makatulong sa mga residenteng nangangailangan. Bawat tulong na naihahatid ay nagsisilbing mensahe na hindi nakakalimutan ng pamahalaan ang kanilang kalagayan.
Nagpaabot din si Linao-Muñoz ng pasasalamat kay Congresswoman Gila Garcia, Governor Joet Garcia, sa buong Pamahalaang Bayan ng Morong, at sa mga katuwang na ahensya at organisasyon na patuloy na nakikiisa sa relief operations.
Sinabi ng alkalde na sa ganitong mga pagkakataon ay higit na nakikita ang tunay na diwa ng bayanihan—ang sama-samang pagkilos ng komunidad upang matulungan ang mga nangangailangan.
Tiniyak ni Linao-Muñoz na magpapatuloy ang relief efforts ng lokal na pamahalaan habang kinakailangan, kasabay ng panawagan sa patuloy na pagkakaisa at pagtutulungan ng mga mamamayan.
“Taga-Morong tayo. Walang maiiwan. Tuloy ang pagkalinga. Tuloy ang pagsulong,” ayon kay Mayor Leila G. Linao-Muñoz.
