SUBIC, Zambales — Patuloy ang pagtugon ni 1st District of Zambales Representative at Deputy Speaker Jay Khonghun sa mga pamilyang naapektuhan ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat sa pamamagitan ng relief assistance at pakikipag-ugnayan sa mga lokal at pambansang ahensya ng pamahalaan.
Personal na binisita ni Khonghun ang mga evacuation center sa Olongapo City upang kumustahin ang mga residenteng inilikas mula sa Barangays New Ilalim, New Kababae, Old Cabalan, Kalaklan at Sta. Rita.
Namahagi rin ang kanyang tanggapan, katuwang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), ng Family Food Packs sa mga evacuee bilang agarang tulong habang pansamantalang nanunuluyan ang mga ito sa evacuation centers.
Sa Subic, nakipag-ugnayan ang kongresista sa lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Jon Khonghun at Chief of Staff Janjo Khonghun, kasama ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) at mga opisyal ng barangay.

Kabilang sa mga tinungo ang Barangay Calapacuan, kung saan lumikas ang mga residenteng mula sa mga bahain at tabing-dagat na lugar. Ang mga evacuee na pansamantalang nanunuluyan sa Calapacuan Elementary School at barangay covered court ay nakatanggap ng DSWD Family Food Packs.
Pinasalamatan ni Khonghun ang pamunuan ng Barangay Calapacuan sa pangunguna ni Punong Barangay Tita Alver, gayundin ang mga rescue at health workers na patuloy na umaalalay sa mga apektadong residente.
Sa Castillejos, nagtungo rin ang kongresista sa mga evacuation center upang kumustahin ang mga pamilyang lumikas at mamahagi ng DSWD food boxes.
Samantala, isa sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha ang Barangay Sta. Fe sa San Marcelino matapos masira ang tulay na pangunahing daanan ng komunidad. Tinatayang 12 taon itong nagsilbi sa mga residente bago napinsala matapos tamaan ng malaking punong inanod ng malakas na agos ng ilog.

Muling nagtungo si Khonghun sa Sta. Fe upang maghatid ng DSWD food packs katuwang ang DSWD Region III sa pangunguna ni Regional Director Venus Rebuldela at mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Punong Barangay Rico Diego Arquero.
Ininspeksyon din niya ang nasirang tulay at iba pang imprastraktura upang matukoy ang kinakailangang rehabilitation work.
Tiniyak ni Khonghun na makikipagtulungan siya sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa muling pagpapatayo ng tulay sa lalong madaling panahon, upang maibalik ang mahalagang access route ng mga residente.
Ayon sa kongresista, magpapatuloy ang paghahatid ng tulong at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya hanggang sa makabangon ang mga pamilyang naapektuhan at unti-unting makabalik sa normal na pamumuhay.
Patuloy rin ang koordinasyon ng kanyang tanggapan sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga komunidad na naapektuhan ng pagbaha sa unang distrito ng Zambales.
