By: Alex Q. Galang

OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 32-anyos na lalaki na umano’y kabilang sa drug watchlist matapos makumpiskahan ng tinatayang 2.85 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Baloy Long Beach, Barangay Barretto, Olongapo City, alas-10:45 ng umaga nitong Setyembre 10, 2026.

Ayon kay PMAJ George Francis B. Molina, isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Police Station 6 ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto kay Christopher Calma y Lustre, alyas “Cris,” 32, binata, walang trabaho at residente ng Barangay Barretto, Olongapo City.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-037-PRO3-OCPO-PS6.

Ayon kay Molina, nakumpiska sa suspek ang apat na sachet ng hinihinalang shabu na may pinagsamang timbang na humigit-kumulang 2.85 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P19,380 batay sa Standard Drug Price (SDP).

Narekober din ng mga awtoridad ang P300 buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Dinala sa Police Station 6 ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Kasama sa nagsagawa at nagproseso ng operasyon si PMSg Leonard E. Pasamonte, Investigator-on-Case, habang si Pat Mar-J M. Gamay ang nagsilbing POMIS Encoder.

Patuloy naman ang kampanya ng Olongapo City Police Office laban sa ilegal na droga upang mapanagot ang mga indibidwal na sangkot sa pagbebenta at paggamit ng ipinagbabawal na gamot.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *