SUBIC, Zambales — Humigit-kumulang 5,000 estudyante sa kolehiyo mula sa bayan ng Subic ang nakatanggap ng tulong pinansyal sa ilalim ng EduKALINGA Program na pinangunahan ni Mayor Jonathan Khonghun noong Miyerkules, Oktubre 14, sa Subic Sports Complex.

Isinagawa ang payout para sa mga kwalipikadong benepisyaryo mula sa iba’t ibang kolehiyo at unibersidad bilang suporta sa kanilang gastusin sa pag-aaral at iba pang pang-araw-araw na pangangailangan.

Naging katuwang sa pamamahagi ng tulong pinansyal ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na nangasiwa sa payout para sa mga estudyanteng kabilang sa programa.

Inaasahang makatutulong ang natanggap na ayuda upang maibsan ang pinansyal na pasanin ng mga estudyante at kanilang mga magulang, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga gastusin sa edukasyon.

Layunin ng EduKALINGA Program na magbigay ng karagdagang suportang pinansyal sa mga kabataang nasa kolehiyo upang matulungan silang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral sa kabila ng mga hamong pinansyal.

Sa pamamagitan ng programa, binibigyang-diin ng lokal na pamahalaan ang kahalagahan ng suporta sa edukasyon upang mapalawak ang oportunidad ng mga kabataan na makapagtapos at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *