By: Alex Q. Galang

OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 26-anyos na lalaki matapos makuhanan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng mga pulis sa Baloy Long Beach, Barangay Barretto, Olongapo City, dakong alas-12:25 ng tanghali noong Oktubre 23, 2026.

Ayon kay CSI Major George Francis B. Molina, ang naarestong suspek ay kinilalang si Jerico Pardilla y Sausora, alyas “Jer,” walang trabaho at residente ng Purok 4, Barangay Matain, Subic, Zambales.

Isinagawa ang operasyon ng Drug Enforcement Unit ng Police Station 6 (PS6) sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-043-PRO3-OCPO-PS6 bilang bahagi ng kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.

Nasamsam mula sa suspek ang tatlong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 2.05 gramo at tinatayang halagang ₱13,940 batay sa Standard Drug Price (SDP).

Narekober din ng mga operatiba ang isang ₱300 bill na ginamit bilang buy-bust money sa operasyon.

Dinala sa Police Station 6 ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Patuloy naman ang kampanya ng Olongapo City Police Office laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa lungsod.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *