By: Alex Q. Galang

OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 18-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng tinatayang 2.43 gramo ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Barretto, Olongapo City, nitong Huwebes ng hapon, Nobyembre 5.

Kinilala ang suspek na si Kian Leijh Subiza, alyas “Justine,” walang trabaho at residente ng Barangay Santa Fe, San Marcelino, Zambales.

Ayon kay Police Major George Francis B. Molina, hepe ng Police Station 6 (PS6) ng Olongapo City Police Office (OCPO), dakong alas-4:40 ng hapon nang isagawa ng Station Drug Enforcement Unit (SPDEU) ang operasyon sa Laguna Street, Barangay Barretto.

Sinabi ni Molina na nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakasamsam ng anim na sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 2.43 gramo.

Tinatayang nagkakahalaga ng P16,524 ang nakumpiskang ilegal na droga batay sa Standard Drug Price (SDP).

Narekober din ng mga operatiba ang P300 na ginamit bilang buy-bust money.

Isinagawa ang operasyon alinsunod sa Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-045-PRO3-OCPO-PS6.

Dinala sa PS6 ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kasong nararapat laban sa kanya.

Ayon kay Molina, bahagi ito ng patuloy na kampanya ng Olongapo City Police Office laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan sa lungsod.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *