By: Alex Galang
SUBIC, Zambales – Matapos ang limang taong paghihintay, pormal nang natanggap ng 35 pamilyang naninirahan sa Sitio Tahimik, Barangay Calapacuan, Subic ang kani-kanilang mga titulo ng lupa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Tanggapan ni Deputy Speaker at Zambales First District Representative Jay Khonghun at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales sa pangunguna ni Governor Jun Ebdane.
Ang pagkakaloob ng mga titulo ay nagbibigay ng legal na pagkilala sa pagmamay-ari ng mga benepisyaryo sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan, na nagsisilbing mahalagang hakbang upang matiyak ang kanilang seguridad sa paninirahan at mabigyan sila ng mas matatag na kinabukasan.
Naging katuwang ng mga residente si Barangay Calapacuan Captain Teresita “Titta” Alver sa pagsusulong ng kanilang kahilingan. Sa pamamagitan ng tulong pinansyal na ipinagkaloob ng Tanggapan ni Deputy Speaker Jay Khonghun at ng suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales, naisakatuparan ang pagproseso ng mga kinakailangang dokumento hanggang sa tuluyang maipagkaloob ang mga titulo sa mga benepisyaryo.

Binigyang-diin ni Deputy Speaker Jay Khonghun na ang pagkakaroon ng sariling titulo ay hindi lamang usapin ng pagmamay-ari ng lupa, kundi ng pagbibigay ng seguridad at dignidad sa bawat pamilyang Zambaleño.
“Ang pagkakaroon ng titulo ay nagbibigay ng kapanatagan at mas matibay na pundasyon para sa kinabukasan ng bawat pamilya. Naniniwala tayo na ang bawat Zambaleño ay nararapat magkaroon ng katiyakan sa kanilang tahanan. Patuloy nating isusulong ang mga programang magbibigay ng pangmatagalang benepisyo at magpapabuti sa kalidad ng buhay ng ating mga kababayan,” ani Deputy Speaker Khonghun.
Ipinahayag naman ng mga benepisyaryo ang kanilang taos-pusong pasasalamat sa matagumpay na pagkakaloob ng mga titulo.
Isa sa kanila si Ruby Remedios, na hindi napigilan ang emosyon sa pagtanggap ng dokumentong matagal nilang hinintay.
“Very thankful po kami kay Cong. Jay Khonghun at Gov. Ebdane. Akala ko noong una panaginip lang, pero totoong-totoo pala. Kapag humingi ka ng tulong, hindi ka mapapahiya. Naiiyak ako sa tuwa. Maraming salamat po,” ani Remedios.
Patuloy ang Tanggapan ni Deputy Speaker Jay Khonghun sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at sa Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales upang maisulong ang mga programang naglalayong mapalawak ang seguridad sa paninirahan, mapangalagaan ang karapatan sa pagmamay-ari ng lupa, at makapaghatid ng mga serbisyong may pangmatagalang epekto sa buhay ng mga mamamayan sa Unang Distrito ng Zambales.
