SUBIC, ZAMBALES – Tatlumpung siyam na araw matapos mamatay si Jerry Arcilla sa isang kalunos-lunos na salpukan ng kanyang tricycle at isang truck sa Subic, Zambales, patuloy pa ring umaasa ang pamilya nito na makakamit nila ang hustisya para sa kanya.
Si Arcilla, 38, binata, at sinasabing isa sa mga breadwinner ng pamilya, ay namatay mga 9:35 ng gabi noong Abril 23, 2026, nang ang kanyang tricycle ay nasalpok ng isang truck ng Aim High Logistics, isang trucking company na pag-aari ni Ranildo Maningding.
Ayon kay Josefa Arcilla Estigoy, kapatid ng biktima, bagama’t may natanggap silang kaunting tulong mula sa trucking company – Php10,000 mula sa Aim High Logistics, ayon sa isang naunang social media report at Php5,000 mula sa driver ng truck na si Hector Macapagal, sabi ni Josefa –– iyon ay ginamit na sa mga gastusin sa ospital, punerarya at pagpapalibing.
“Wala na kaming natanggap mula sa kanila bukod doon, kahit may mga ipinangako sa amin,” sabi ni Josefa. “Mabuti na lamang at may tulong kaming natanggap mula kina Mayor Jon Khonghun at Congressman Jay Khonghun.”
Si Josefa umano ay pumirma ng affidavit of settlement sa opisina ni Atty. Dorentino Floresta na nagsasabing “hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa driver na si Macapagal, matapos itong mangako na siya ang bahala sa lahat ng gagastusin ng mga namatayan sa ospital, burol at libing ni Jerry.”
Walang nabanggit kung magkano ang ibibigay ng driver o iaambag ng trucking company sa mga namatayan. “Hindi ko na din naisip ito,” sabi naman ni Josefa, “kasi po ang isip ko ay maisayos ang libing ng kapatid ko at ang magkaroon na ng closure.”
“Nakakapagod na rin sa tutuo lang,” sabi Josefa sa media na hiningian nila ng tulong upang linawin ang mga isyung kumakalat sa social media at patahimikin ang ala-ala ng namatay.

“Hindi na nga kami naghahabol sa lahat ng ipinangako nila, yun man lang sanang pambayad sa mga nautang ko ng papuntahin ko dito sa Subic ang mga kamag-anak namin mula sa Bicol para makita nila si Jerry sa kanyang huling sandali.”
Hindi daw salapi ang motibo nila sa pagkausap sa media, aniya pa, kundi “upang maisalba pa ang natitirang dignidad ng namatay na kapatid at pamilya.”
Ayon pa kay Josefa, “Masakit ang mga statements na nanggagaling sa kampo ng Aim High Logistics, lalo na ang pagdidiin nila na kasalanan lang ng kapatid ko ang nangyari dahil lasing daw ito habang nagmamaneho ng gabing iyon.”
“Hindi naman na siguro kailangan pang ulit-ulitin ito para lang maibunton lahat ng sisi sa kanya,” dagdag ni Josefa. “Patay na yung tao, pero patuloy pa rin nilang sinisiraan at sinisisi para lang pagtakpan yung mga responsibilidad ng trucking company.” Ipinakita ni Josefa sa media ang mga social posts sa FB bilang patunay.
Umapela si Josefa na sana’y huwag ilihis ng trucking company ang mga isyu at bagkus ay harapin ang kanilang responsibilidad sa pangyayari. Hindi pa namin nahihingi ang komento ng driver o nimuman sa Aim High Logistics habang sinusulat ang balitang ito.
