By” Alex Galang

OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 52-anyos na lalaki sa isinagawang anti-illegal drug operation ng Police Station 6 Drug Enforcement Unit (SPDEU) sa Baloy Long Beach, Barangay Barretto, Olongapo City, dakong alas-6:20 ng gabi noong Agosto 19, 2026.

Kinilala ang suspek na si Michael Sambat y Santiago, alyas “Mike,” 52, walang asawa, walang trabaho at residente ng Lower Kalakalan, Olongapo City. Nakalista umano ang suspek sa police drug watchlist.

Ang operasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng buy-bust operation sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-034-PRO3-OCPO-PS6, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakumpiska ng tatlong sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang timbang na 2.37 gramo.

Batay sa police report, tinatayang ₱16,116 ang Standard Drug Price (SDP) ng nakumpiskang hinihinalang shabu. Narekober din ang ₱300 buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Ang operasyon ay isinagawa sa pangunguna ng Police Station 6 Drug Enforcement Unit, sa ilalim ng pamumuno ni PMAJ George Francis B. Molina, Hepe ng Police Station 6, katuwang sina PSMS Pol Adrian A. Amigo, Police Information Officer, at Pat Mar-J M. Gamay, POMIS Encoder, kasama ang iba pang mga tauhan ng SPDEU.

Matapos ang operasyon, dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 6 para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon alinsunod sa umiiral na batas at proseso.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay ng pagkakasangkot umano ng suspek sa ilegal na aktibidad ng droga.

 Sinabi rin ni  PMaj Molina na bahagi ang operasyon ng patuloy na pagsisikap ng Olongapo City Police Office (OCPO) na sugpuin ang ilegal na kalakalan ng droga at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *