By: Alex Q. Galang

IBA, Zambales — Naging masigla at makulay ang ikalawang araw ng Dinamulag Festival 2026 sa lalawigan ng Zambales, tampok ang iba’t ibang aktibidad sa larangan ng isports, sining, agrikultura, at pampublikong serbisyo na nagbigay-diin sa talento at pagkakaisa ng mga Zambaleño.

Isa sa mga pangunahing kaganapan ang Dinamulag Fun Mountain Bike Challenge na ginanap sa Zambales Sports Complex. Personal na pinangunahan ni Gobernador Hermogenes “Jun” Ebdane Jr. ang panonood sa karera kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang husay sa pagbibisikleta sa iba’t ibang terrain. Bago ang karera, nagsagawa ng Zumba session bilang warm-up activity.

Sa naturang kompetisyon, itinanghal na kampeon sa 25-anyos pababa si John Lemon Alvarez, habang si Ruel Alivia ang 1st runner-up at si Royce Espinosa ang 2nd runner-up. Sa 26-anyos pataas naman, nagwagi si Michael Ochoa bilang champion, sinundan nina Sanny Britania bilang 1st runner-up at Crisam Edejer bilang 2nd runner-up.

Kasabay nito, inilunsad din ang tatlong araw na Firearms Exhibit sa Legislative Building sa Iba, na nilahukan ng mga lehitimong firearms dealers gaya ng The Gunstore, Armscor, at Trustrade. Ayon sa Philippine National Police – Firearms and Explosives Office, pinahihintulutan lamang ang pagbili ng baril sa mga indibidwal na may kumpletong dokumento.

Sa sektor ng agrikultura, isinagawa ang Mango Industry Training sa Batungbacal Farms sa Barangay Buhawen, Palauig. Ibinahagi ni Provincial Agriculturist Arnel Abayan ang mga makabagong kaalaman hinggil sa pamamahala ng tanim ng mangga, fertilization, at mga bagong teknolohiya sa ilalim ng Mango Valley Project.

Nagpatuloy rin ang mga aktibidad sa isports sa pamamagitan ng 1st Governor’s Cup 10-Man Team Dinamulag Airsoft Competition sa Brgy. Dirita, Iba, kung saan ipinamalas ng mga kalahok ang disiplina, estratehiya, at koordinasyon. Isinagawa rin ang ikalawang araw ng 3rd Governor’s Cup ShootFest – PPSA Level 2 Sanctioned Competition at LTOPF Caravan sa Camp Captain Conrado D. Yap, na naglalayong palakasin ang kaalaman sa responsableng paggamit ng sandata.

Binigyang-kulay din ang gabi ng talento at sining sa Zamba Tuklas Talento 2026 Grand Finals, partikular sa segment na Galing ng Luzon – Luzon-Wide Got Talent. Humanga ang mga manonood sa sunod-sunod na pagtatanghal mula sa iba’t ibang panig ng Luzon—mula sa indakan hanggang sa kakaibang performances—na nagpakita ng husay, dedikasyon, at malikhaing kakayahan ng mga kalahok.

Kabilang sa mga itinanghal na grand winners sa iba’t ibang kategorya ang grupong Amazing Resiklo para sa Galing ng Luzon, si Trixie Dayrit para sa Himig ng Luzon, si Hezron Jhon Rafanan para sa Himig ng Zambales (College/OSY Category), at si Precious Melody Dela Cruz para sa Himig ng Zambales (Elementary/High School Category).

Patuloy na pinatutunayan ng Dinamulag Festival 2026 na higit pa ito sa isang pagdiriwang—ito ay isang makulay na pagsasama-sama ng kultura, talento, isports, at pag-unlad ng komunidad. Sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales, nananatiling matatag ang layunin nitong palakasin ang turismo, pagkakaisa, at pagmamalaki ng bawat Zambaleño.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *