Photo By: Subic Municipal Agriculture Office
By: Alex Q. Galang
SUBIC, Zambales — Pinalalakas ng Lokal na Pamahalaan ng Subic ang seguridad sa pagkain at produksyon ng agrikultura sa bayan sa pamamagitan ng pamamahagi ng hybrid at certified na binhing palay at mga pataba sa mga rehistradong magsasaka para sa wet season cropping ngayong taon.
Pinangunahan ng Municipal Agriculture Office (MAO) ang distribusyon ng mga agricultural inputs na kinabibilangan ng powder at liquid fertilizers, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na matulungan ang mga magsasaka na mapataas ang kanilang ani at mabawasan ang gastos sa produksyon.
Ayon kay Municipal Agriculturist Lucy Victorio, ang mga binhi at pataba ay ipinagkaloob ng Department of Agriculture Regional Field Office III (DA-RFO III) at Philippine Rice Research Institute (PhilRice), habang ang LGU Subic ang nangasiwa sa maayos na pamamahagi nito sa mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ni Victorio na napakahalaga ng agarang pagbibigay ng farm inputs sa mga magsasaka upang matiyak ang maayos na pagsisimula ng taniman ngayong tag-ulan at mapanatili ang sapat na suplay ng bigas sa komunidad.

Photo By: Subic Municipal Agriculture Office
Dumalo rin sa aktibidad sina Mayor Jonathan “Jon” Khonghun at Chief-of-Staff Janjo Khonghun bilang kinatawan ni Congressman Jay Khonghun, bilang pagpapakita ng suporta sa sektor ng agrikultura na isa sa mga pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng maraming pamilya sa bayan.
Ayon sa mga opisyal, mahalagang mabigyan ng sapat na suporta ang mga magsasaka upang mapanatili ang mataas na antas ng produksyon sa gitna ng iba’t ibang hamon sa agrikultura, kabilang ang pabago-bagong kondisyon ng panahon at pagtaas ng gastos sa pagsasaka.
Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mas magiging produktibo ang mga sakahan sa Subic, magtataas ng ani ng palay, at magbibigay ng mas malaking kita sa mga magsasaka habang tumutulong sa pagpapatatag ng suplay ng pagkain sa lokal na komunidad.
Patuloy namang ipinapaabot ng LGU Subic ang mga programang nakatuon sa modernisasyon ng agrikultura at pagpapalakas ng kabuhayan ng mga magsasaka bilang bahagi ng pangmatagalang layunin nitong makamit ang mas matatag at masaganang sektor ng agrikultura sa bayan.
