Subic, Zambales – Iginiit ni First District Zambales Representative Jay Khonghun na hindi siya kumbinsido sa naging paliwanag ng pamunuan ng ZAMECO II kaugnay ng sunod-sunod na reklamo ng mga consumer hinggil sa umano’y labis na mataas na singil sa kuryente.
Ito ay matapos ang kanyang pakikipagpulong kay ZAMECO II General Manager Romwil De Jesus, kung saan sinabi ng kongresista na kulang ang mga naiprisintang paliwanag at kinakailangan ng mga mamamayan ng kongkretong solusyon na magreresulta sa pagbaba ng kanilang buwanang bayarin.
Ayon kay Cong. Jay, “Hindi tayo kuntento sa sagot. Kailangan bumaba ang singilin sa kuryente.”
Bilang tugon sa isyu, inihayag ng mambabatas na ipatatawag sa pagdinig ng Kamara de Representantes ang mga opisyal ng ZAMECO II at Olongapo Electricity Distribution Company (OEDC). Layunin nitong mabigyan ng pagkakataong maipaliwanag ng dalawang power distributor ang isyu at matugunan ang mga hinaing ng kanilang mga consumer.
Ginawa ni Cong. Jay ang hakbang na ito matapos makatanggap ang kanyang tanggapan ng maraming reklamo mula sa mga residente ng Zambales. Kabilang sa mga ito ang mga pamilyang nagsabing mula sa dating nasa humigit-kumulang P1,500 ang kanilang buwanang bayarin sa kuryente, bigla itong umabot sa halos P6,000, na nagdulot ng mabigat na pasanin sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Sa naging pagpupulong, isa-isang inilahad ng kongresista ang mga reklamong natanggap mula sa mga consumer at hiniling sa pamunuan ng ZAMECO II na magbigay ng malinaw na paliwanag at magsagawa ng mga konkretong hakbang upang mapagaan ang epekto ng mataas na singil sa kuryente.
Sa kasalukuyan, tinatayang nasa 98,000 consumer ang pinaglilingkuran ng ZAMECO II, kabilang ang mga household, commercial, at industrial consumers mula Subic hanggang Cabangan, Zambales.
Samantala, tiniyak ni Cong. Jay na patuloy niyang babantayan ang usapin at pananagutin ang mga kinauukulan hanggang matiyak na magiging makatarungan, malinaw, at patas ang paniningil ng kuryente para sa mga mamamayan ng Unang Distrito ng Zambales.
