Photo by: San Marcelino Public Information Office
SAN MARCELINO, Zambales — Nagsagawa ang Municipal Health Office (MHO), katuwang ang Municipal Nutrition Office, ng iodine sampling at testing sa mga iodized salt na ibinebenta sa pamilihang bayan ng San Marcelino bilang bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 8172 o An Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN Law).
Layunin ng aktibidad na matiyak na ang mga asin na ibinebenta sa pamilihan ay may sapat na iodine content at sumusunod sa itinakdang pamantayan ng Food and Drug Administration (FDA), bilang pag-iwas sa mga sakit na dulot ng kakulangan sa iodine.

Photo by: San Marcelino Public Information Office
Pinangunahan ni Municipal Health Officer Dr. Giselle Paje-Ragadio ang isinagawang inspeksyon kasama sina Municipal Nutrition Action Officer Ana Isabel Monasterio, Provincial Sanitation Inspectors Willie Fortaleza at Neil Conrad Espinosa, gayundin sina Market Master Rene Lozano, Sanitation Inspectors Rose Ann Vitug at Marvin Cababaro, mga Barangay Nutrition Scholar, at Market Vendor Representative Maricel Paje.
Sa isinagawang pagsusuri, gumamit ang mga health personnel ng WYD Iodine Checker Machine upang masukat ang iodine content ng mga sample ng asin mula sa iba’t ibang tindahan sa pamilihang bayan.
Kasabay ng sampling at testing, nagbigay rin ang MHO ng impormasyon sa mga tindero at mamimili hinggil sa kahalagahan ng pagbili ng FDA-approved iodized salt at pagsunod sa itinakdang pamantayan ng FDA upang mapanatili ang kalidad ng produktong ibinebenta sa merkado.
Ayon sa MHO, mahalaga ang iodine sa wastong paggana ng thyroid gland at sa normal na paglaki at pag-unlad ng utak, partikular sa mga bata at buntis. Nakatutulong din ito sa pag-iwas sa iodine deficiency disorders, kabilang ang goiter.
Sa ilalim ng ASIN Law, inaatasan ang lahat ng manufacturer at distributor ng asin na tiyaking iodized ang kanilang mga produktong inilalabas sa merkado bilang suporta sa layunin ng pamahalaan na mapabuti ang nutrisyon at kalusugan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng sapat na iodine intake. (San Marcelino Public Information Office)
