By: Bonifacio Dacayanan

PANTABANGAN, NUEVA ECIJA — Nagpulong ang Department of Agrarian Reform (DAR) Region III at mga katuwang na ahensya noong Hulyo 8, 2026 sa Farm Ridge by Desmond upang paigtingin ang suporta sa mga Agrarian Reform Beneficiaries Organizations (ARBOs) sa Gitnang Luzon.

Layunin ng 2nd Quarter Local Program Management Committee (LPMC) Meeting na suriin ang implementasyon ng ALERT-ARBOs Program, partikular ang mga isyu sa pautang, insurance, at mga loan application na kasalukuyang pinoproseso.

Pinangunahan ni DAR Assistant Regional Director Atty. Odgie C. Cayabyab ang talakayan kasama ang Land Bank, PCIC, DENR, DA, at mga DAR Provincial Offices. Binigyang-diin naman ni DA Regional Technical Director Arthur Dayrit, PhD, ang kahalagahan ng pagkakaisa ng pamahalaan.

“Ang susi sa tagumpay ng ating mga magsasaka ay ang mabilis at magkakaugnay na serbisyo. Kailangan nating magtulungan upang masiguro na ang bawat tulong-pinansyal at teknikal ay direktang nakakarating sa ating mga ARBO,” pahayag ni Dr. Dayrit.

Sa pamamagitan ng pagpupulong na ito, layon ng komite na resolbahin ang mga hamon sa pagpapatupad ng programa upang mas mapadali ang pag-akses ng mga magsasaka sa pinansyal na tulong.

Ayon kay Atty. Cayabyab, mas malalim ang layunin ng pagtitipon kaysa sa mga ulat lamang. “Ang layunin natin ay ayusin ang sistema at lutasin ang mga hamon sa pautang. Gusto nating tiyakin na ang ating mga benepisyaryo ay may sapat na proteksyon at puhunan upang mapalago ang kanilang kabuhayan,” ani Atty. Cayabyab.

Inaasahan ng DAR Region III na ang pagkakaisang ito ng mga stakeholder ay magdadala ng mas epektibong serbisyo na magpapaunlad sa sektor ng agrikultura sa Central Luzon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *