Photo by: DepEd Tayo – Tarlac Province

TARLAC CITY, Tarlac — Kabuuang 1,750 “Gamit ni Bulilit” school kits ang ipinamahagi sa pitong pampublikong elementarya sa lalawigan ng Tarlac matapos ang turnover ceremony na pinangunahan ng Department of Education (DepEd) Tarlac at National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) noong Hulyo 22.

Bawat isa sa pitong piling paaralan ay tumanggap ng 250 school kits na nakalaan para sa mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3, bilang bahagi ng programang naglalayong makatulong sa kanilang pag-aaral at mabigyan sila ng sapat na gamit sa pagsisimula ng klase.

Kabilang sa mga benepisyaryong paaralan ang Salapungan Elementary School, San Agustin Elementary School, Abagon Elementary School, Luna Elementary School, Bularit Elementary School, San Vicente Elementary School, at Sto. Niño Elementary School.

Ayon sa DepEd Tarlac at NGCP, layunin ng inisyatibong “Gamit ni Bulilit” na masuportahan ang pangangailangan ng mga batang mag-aaral sa kanilang edukasyon, lalo na sa mga pampublikong paaralan. Bahagi rin ito ng patuloy na pakikipagtulungan ng dalawang institusyon upang maisulong ang dekalidad at mas inklusibong edukasyon para sa mga kabataan sa lalawigan.

Photo by: DepEd Tayo – Tarlac Province

Dinaluhan ang turnover ceremony ng mga opisyal ng DepEd Tarlac at NGCP. Pormal namang tinanggap ng mga school heads at property custodians ng bawat paaralan ang mga school kits na ipamamahagi sa mga napiling benepisyaryong mag-aaral.

Sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mababawasan ang gastusin ng mga magulang sa pagbili ng mga pangunahing kagamitan sa paaralan at higit na mahihikayat ang mga mag-aaral na pumasok at magpatuloy sa kanilang pag-aaral.

Patuloy namang isinusulong ng DepEd Tarlac at NGCP ang mga programang nagbibigay ng suporta sa sektor ng edukasyon upang matiyak na mas maraming kabataang Pilipino ang magkakaroon ng mas magandang pagkakataon na matuto at magtagumpay. (Bonifacio Dacayanan)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *