MANILA — Nagtipon ang mga alkalde ng Tarlac sa ilalim ng League of Municipalities of the Philippines (LMP)-Tarlac Chapter upang makipagpulong sa iba’t ibang ahensya ng pambansang pamahalaan at mga kinatawan ng pribadong sektor para talakayin ang mga programang makatutulong sa pagpapaunlad ng mga bayan sa lalawigan.
Isinagawa ang pagpupulong sa Sheraton Manila noong Hulyo 30 sa pangunguna ni LMP-Tarlac Chapter President at San Manuel Mayor Doña Cresencia “Donya” Tesoro. Dumalo rin sina Tarlac Governor Christian Yap, Tarlac City Mayor Susan Yap, Concepcion Mayor Noel Villanueva, Capas Mayor Roseller “Boots” Rodriguez, at iba pang alkalde at lokal na opisyal mula sa iba’t ibang bayan ng Tarlac.
Tinalakay sa pulong ang mga posibleng kolaborasyon sa larangan ng teknolohiya, pamumuhunan, enerhiya, at serbisyong panlipunan na inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at magpapahusay sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
Kabilang sa mga ahensya at organisasyong lumahok ang Board of Investments (BOI), Department of Budget and Management (DBM), Department of Energy (DOE), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), at ang Singapore-based technology company na Tetmon, na nagbahagi ng mga makabagong solusyon sa data visualization, integration software, at data infrastructure na maaaring magamit ng mga lokal na pamahalaan.
Nagbigay rin ng presentasyon ang DOE hinggil sa Energy Virtual One-Stop Shop (EVOSS), isang digital platform na nagpapadali sa pagproseso ng mga aplikasyon para sa mga energy project. Samantala, ipinakilala ng PhilHealth ang YAKAP Program na naglalayong palawakin ang access ng mga mamamayan sa mga serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa LMP-Tarlac, inaasahang magsisilbing daan ang naturang pagpupulong upang higit pang mapalakas ang koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan, mga ahensya ng pambansang gobyerno, at pribadong sektor. Sa pamamagitan ng mas matibay na pakikipagtulungan, layunin nitong maisulong ang mga inisyatibang magpapabuti sa serbisyo publiko, magpapalawak ng mga oportunidad sa pamumuhunan, at maghahatid ng mas epektibong programa para sa mga komunidad sa buong lalawigan ng Tarlac. (Bonifacio Dacayanan)
