Photo by: DPWH-Bataan 3rd District Engineering Office (DEO)
BALANGA CITY, Bataan — Mas magiging ligtas ang paglalakbay ng mga motorista at commuters sa Bataan matapos makumpleto ng Department of Public Works and Highways (DPWH)–Bataan 3rd District Engineering Office (DEO) ang paglalagay ng solar-powered street lights sa ilang pangunahing kalsada sa lalawigan.
Ang proyekto, na bahagi ng programa ng pambansang pamahalaan para sa pagpapabuti ng imprastraktura, ay naglalayong palakasin ang road safety sa pamamagitan ng mas malinaw na ilaw sa mga lansangang madalas daanan ng mga sasakyan, partikular sa gabi at sa mga lugar na may limitadong visibility.
Ayon kay District Engineer Maribel D. Navarro , isinagawa ang proyekto bilang pagtugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang mga inisyatibang magpapataas ng kaligtasan ng publiko at magbibigay ng mas episyente at modernong imprastraktura sa bansa.

Photo by: DPWH-Bataan 3rd District Engineering Office (DEO)
Kabilang sa mga nilagyan ng solar-powered street lights ang Roman Expressway, Bagac–Mariveles Road, Alas-Asin Port Road, EPZA Bypass Road, gayundin ang bahagi ng Sabang–Mabayo Road, Bataan Technological Park, Inc. sa Morong, at Bataanes Road sa Bagac.
Bukod sa pagpapahusay ng visibility sa gabi, inaasahang makatutulong ang paggamit ng solar-powered lighting system sa pagbabawas ng konsumo ng kuryente at gastusin sa operasyon, habang isinusulong ang paggamit ng renewable energy sa mga pampublikong imprastraktura.
Sinabi rin ni Navarro na ang proyekto ay bahagi ng mas malawak na layunin ng ahensiya na gawing mas ligtas, matatag, at sustainable ang mga pangunahing lansangan sa Bataan, kasabay ng patuloy na pagpapalawak ng mga imprastrakturang susuporta sa turismo, kalakalan, at pamumuhunan sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng bagong solar-powered street lights, inaasahang mas magiging panatag ang biyahe ng libu-libong motorista at biyahero araw-araw, habang patuloy na isinusulong ng pamahalaan ang modernisasyon ng transport infrastructure at ang paggamit ng malinis na enerhiya para sa pangmatagalang kaunlaran.
