By: Alex Q. Galang

SUBIC, Zambales – Pinalakas ng Pamahalaang Bayan ng Subic ang kampanya nito para sa mas maayos na pamamahala ng solid waste matapos lumagda ang mga opisyal ng 16 na barangay sa isang Commitment Tree bilang suporta sa Municipal Barangay Materials Recovery Facility (MRF) Monitoring System sa isinagawang Solid Waste Management Meeting noong Agosto 3.

Pinangunahan ni Mayor Jonathan “Jon” Khonghun ang pagtitipon na dinaluhan ng mga barangay officials mula sa Aningway-Sacatihan, Asinan Poblacion, Asinan Proper, Baraca-Camachile, Batiawan, Calapacuan, Calapandayan, Cawag, Ilwas, Mangan-Vaca, Matain, Naugsol, Pamatawan, San Isidro, Sto. Tomas, at Wawandue.

Sa pamamagitan ng ceremonial signing ng Commitment Tree, pinagtibay ng mga opisyal ng barangay ang kanilang suporta sa pagpapalakas ng operasyon ng Materials Recovery Facility (MRF) sa bawat komunidad, pagpapatupad ng tamang waste segregation, at mas mahigpit na pagsunod sa mga programang pangkalikasan ng lokal na pamahalaan.

Photo by: Subic Public Information Office

Ayon sa LGU Subic, layunin ng Municipal Barangay MRF Monitoring System na mapabuti ang pamamahala ng mga basura sa antas ng barangay, mabawasan ang dami ng basurang itinatapon sa mga landfill, at hikayatin ang mas aktibong partisipasyon ng mga residente sa mga gawaing pangkalikasan.

Binigyang-diin ni Mayor Khonghun na ang matagumpay na pagpapatupad ng solid waste management ay nakasalalay sa sama-samang pagkilos ng lokal na pamahalaan, mga opisyal ng barangay, at ng buong komunidad upang mapanatiling malinis at ligtas ang kapaligiran.

Bilang simbolo ng pagkakaisa, nilagdaan ng lahat ng dumalong barangay officials ang Commitment Tree bilang pagpapatunay ng kanilang suporta sa programa. Kasabay nito, muling iginiit ng pamahalaang bayan ang mensaheng, “Together, we commit a cleaner, greener, and sustainable Subic,” bilang panawagan sa patuloy na pangangalaga sa kalikasan.

Sa pamamagitan ng inisyatibang ito, inaasahang higit pang mapalalakas ang pagpapatupad ng solid waste management sa buong bayan at maisusulong ang isang mas malinis, luntian, at napapanatiling Subic para sa kasalukuyan at sa mga susunod na henerasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *