Photo by: San Antonio Public Information

SAN ANTONIO, Zambales — Pinauwi ngayong araw Agosto 24, 2026, ang mga estudyante sa mga paaralan sa bayan ng San Antonio, Zambales, matapos makatanggap ng security threat ang Philippine National Police (PNP) at tanggapan ng Municipal Mayor.

Agad na kumilos ang PNP at San Antonio Municipal Government upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, school personnel at mga residente habang isinasagawa ang kaukulang security assessment at beripikasyon sa natanggap na impormasyon.

Batay sa isang pahayag na ibinahagi online na iniuugnay kay San Antonio Mayor Arvin “Dok” Antipolo, isang whistleblower umano ang nakatanggap ng tip hinggil sa planong pag-atake ng mga masasamang loob sa ilang paaralan sa bayan ngayong umaga o hapon.

Dahil dito, ipinatupad ang pagpapauwi sa mga estudyante bilang preventive security measure, habang patuloy na sinusuri ng mga awtoridad ang kredibilidad at lawak ng naturang banta.

Photo by: San Antonio Public Information

Nakaalerto ngayon ang buong kapulisan at lokal na pamahalaan ng San Antonio. Patuloy din ang koordinasyon ng mga awtoridad upang maprotektahan ang mga paaralan at komunidad at maiwasan ang anumang insidente.

Pinapayuhan ang mga magulang at residente na manatiling kalmado at mapagmatyag, at umasa lamang sa beripikado at opisyal na impormasyon mula sa PNP at San Antonio LGU. Hinihikayat din ang publiko na huwag magpakalat ng hindi kumpirmadong impormasyon na maaaring magdulot ng panic.

Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon at maglalabas ng karagdagang abiso kung kinakailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *