Photo by: San Antonio Zambales Public Information
SAN ANTONIO, Zambales — Itinaas ng Bayan ng San Antonio ang suporta nito sa mga mangingisdang Pilipino at coastal communities bilang bahagi ng pagsusulong ng kabuhayan at proteksiyon sa yamang-dagat sa West Philippine Sea (WPS).
Sa pangunguna ni Mayor Arvin Rolly D. Antipolo, M.D., nakiisa ang San Antonio at Municipal Fishery and Aquatic Resources Management Council (MFARMC) sa programang isinagawa ng Atin Ito Coalition para sa Maritime and Archipelagic Nation Awareness Month (MANA Mo).
Binigyang-diin sa programa ang mahalagang papel ng mga mangingisda bilang bahagi ng coastal economy, partikular sa mga komunidad na umaasa sa pangingisda para sa kita at pagkain.

Photo by: San Antonio Zambales Public Information
Kabilang sa kinilala ang mga lokal na pamahalaang nagpasa ng mga resolusyong nagdedeklara sa Hulyo 12 bilang West Philippine Sea Victory Day, bilang paggunita sa 2016 arbitral award.
Para sa San Antonio, ang pagpapanatili ng ligtas at produktibong karagatan ay mahalaga sa pagpapatuloy ng kabuhayan ng mga mangingisda at sa pangmatagalang pangangalaga sa fisheries resources.
Patuloy na nakikipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa mga mangingisda at iba pang sektor upang maprotektahan ang yamang-dagat at mapanatili ang mga oportunidad sa kabuhayan ng coastal communities.
