OLONGAPO CITY — Mas paiigtingin ang kakayahan ng mga barangay sa mabilis na pagtugon sa emergency matapos pormal na i-turnover ang dalawang rescue pick-up at isang ambulansya para sa tatlong barangay sa lungsod.

Tumanggap ng mga bagong sasakyang pang-emergency ang Barangay New Kalalake, West Bajac-Bajac at New Asinan sa turnover ceremony na ginanap sa Asinan Covered Court.

Ang pamamahagi ng mga sasakyan ay mula sa inisyatiba ni Deputy Speaker at Zambales 1st District Representative Jay Khonghun na naglalayong dagdagan ang mga kagamitang magagamit ng mga barangay sa emergency response at paghahatid ng pangunahing serbisyo.

Dumalo sa naturang turnover sina Konsehal Jamiel Khonghun-Escalona, Konsehal Joshua Gardon at LGOO JC Vergara, na kumatawan kay DILG City Director Armi Bactad.

Pinasalamatan din ang mga punong barangay na sina PB Sherwin Sionzon, PB Gregg Chico Elane at PB Billy Capistrano, kasama ang kani-kanilang konseho, sa pakikipagtulungan para sa programa.

Inaasahang malaking tulong ang mga bagong sasakyan upang mas mabilis na makaresponde ang mga barangay sa aksidente, kalamidad, medical emergency at iba pang agarang pangangailangan ng kanilang mga residente.

Hindi naman umano rito matatapos ang pamamahagi.

Batay sa inilabas na pahayag, nakatakda ring maihatid sa iba pang barangay sa mga susunod na linggo ang karagdagang ambulansya, rescue pick-up, garbage truck, fire truck at L300 van.

Bahagi ito ng layuning palakasin ang kapasidad ng mga barangay sa Olongapo na makapagbigay ng mas mabilis na serbisyo at agarang responde sa oras ng pangangailangan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *