Iginiit ni Navotas Rep. Toby Tiangco na pinagtitibay ng desisyon ng Korte Suprema ang kanyang matagal nang paninindigan na dapat pairalin ang transparency at accountability sa bawat yugto ng budget process, lalo na ang pagdating sa paglalaan at paggamit ng pondo ng bayan.
Ayon kay Tiangco, kabilang sa mga isyung ilang beses niyang binanggit sa Kamara ang mga natuklasan ng Korte Suprema hinggil sa kakulangan ng dokumentasyon sa mga pagbabagong ginawa sa budget sa bicameral conference committee, malawak na kapangyarihan sa paggasta, at pangangailangan para sa fiscal safeguards.

Aniya, matagal na niyang ipinaglalaban na dapat malinaw sa taumbayan kung saan napupunta ang bawat pisong galing sa kanilang buwis at hindi pinapayagan ang mga pagbabago sa budget na walang malinaw na paliwanag at pananagutan.
Ipinunto ng mambabatas na ilang ulit na niyang kinuwestiyon ang transparency sa mga deliberasyon sa pambansang budget, kabilang na ang mismong budget ng House of Representatives.
Nauna nang naghain si Tiangco ng mosyon upang muling buksan ang plenary deliberations sa budget ng Kamara upang bigyang-daan ang mas masusing pagsusuri sa mga paggasta nito, ngunit tinanggihan ang kanyang mosyon.
Bumoto rin siya laban sa panukalang pambansang budget para sa 2027 dahil sa mga pangamba ukol sa kawalan ng transparency at accountability.
Nais din ni Tiango na matiyak na maayos na nailalaan ang pondo ng gobyerno at nagdudulot ito ng kongkretong pakinabang sa mga Pilipino.

Para kay Tiangco, mahalaga ang desisyon ng Korte Suprema sa gitna ng patuloy na pagsisikap na mabunyag ang mga iregularidad sa paggasta sa flood control projects.
Aniya, ang flood control scandal ay malinaw na paalala kung bakit mahalaga ang transparency sa pagbuo ng budget at kung saan ito gagamitin.
Pinatitibay rin ng desisyon ang mga naunang pangamba ni Tiango ukol sa paglilipat ng pondo para sa foreign-assisted projects patungo sa Unprogrammed Appropriations (UA), na naging dahilan din ng paglobo ng pondo sa UA.
Kasabay nito, muling iginiit ni Tiangco ang panawagan para sa mga repormang magtitiyak ng bukas na deliberasyon sa budget, transparent na proseso sa bicameral conference committee, at mas mahigpit na pagsusuri sa paggamit ng pondo ng gobyerno.
