Photo by: San Marcelino Public Information Office

SAN MARCELINO, Zambales — Sinimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang inspeksyon sa mga polling precinct sa San Marcelino bilang paghahanda sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na nakatuon sa pasilidad, seguridad at maayos na daloy ng mga botante.

Pinangunahan ni Election Officer Mary Ann Salinas ang inspection team sa pag-iikot sa mga paaralang itatalaga bilang voting centers upang matukoy ang mga kailangang ayusin bago ang halalan.

Kasama sa inspeksyon ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, DILG, Municipal Treasurer’s Office, Engineering Office, Accounting Office, Budget Office, MENRO, San Marcelino Municipal Police Station at Bureau of Fire Protection.

Sinuri ng grupo ang mga silid-aralan at iba pang pasilidad na gagamitin bilang polling precincts, kabilang ang espasyo para sa mga botante, accessibility, seguridad at iba pang operational requirements.

Ayon sa COMELEC, mahalaga ang maagang pagsusuri upang maagapan ang mga kakulangan sa polling sites at maiwasan ang aberya sa araw ng halalan.

Photo by: San Marcelino Public Information Office

Kasabay nito, nakikipag-ugnayan ang COMELEC sa municipal government, pulisya at BFP para sa security at emergency preparedness sa mga voting centers.

Kabilang sa mga susunod na election activities ang Filing of Certificates of Candidacy (COC) para sa mga nagnanais tumakbo sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Patuloy naman ang preparasyon ng COMELEC habang hinihintay ang anumang pinal na pagbabago sa kasalukuyang election calendar. Hangga’t walang umiiral na batas na nagbabago sa iskedyul, magpapatuloy ang mga kinakailangang paghahanda para sa BSKE.

Sa San Marcelino, ang inspeksyon ay nagsisilbing unang hakbang sa pagtiyak na ang mga polling precinct ay operationally ready—mula sa physical facilities at voter flow hanggang sa seguridad at emergency response sa araw ng halalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *