Photo by: Olongapo City Information Center
OLONGAPO CITY — Nagbukas ng mas malawak na oportunidad para sa mga mag-aaral ang Department of Education (DepEd) – Schools Division Office of Olongapo City sa isinagawang Work Immersion Fair na may temang “Bridging Aspiration and Opportunity: Strengthening Industry-School Partnerships” noong Setyembre 11, 2026 sa SMX Convention Center.
Layunin ng aktibidad na palakasin ang ugnayan ng mga paaralan, industriya, ahensya ng pamahalaan at iba pang stakeholders upang makapagbigay ng mas maraming work immersion opportunities para sa mga mag-aaral bilang paghahanda sa kanilang pagpasok sa mundo ng trabaho.
Sa pamamagitan ng programa, nabigyan ang mga kabataan ng pagkakataong makilala ang iba’t ibang industriya at matuklasan ang mga oportunidad na makatutulong sa kanilang career development at paghahanda para sa hinaharap.

Photo by: Olongapo City Information Center
Nagpaabot naman ng buong suporta ang Lokal na Pamahalaan ng Olongapo, sa pangunguna ni Mayor Atty. Rolen C. Paulino Jr., sa mga programa ng DepEd na naglalayong palawakin ang oportunidad para sa mga kabataan.
“Mahalaga na habang nag-aaral pa lamang ang ating mga kabataan ay nabibigyan na sila ng pagkakataong makita at maranasan kung ano ang naghihintay sa kanila sa mundo ng trabaho. Sa pamamagitan ng work immersion, mas nahahanda sila hindi lamang sa kanilang napiling karera kundi pati sa mga responsibilidad at hamon na kanilang haharapin,” ani Mayor Paulino.
Dagdag pa ng alkalde, mahalaga ang pagtutulungan ng pamahalaan, paaralan at pribadong sektor upang matiyak na ang mga kabataan ay may sapat na kaalaman at kasanayan upang maging produktibong bahagi ng komunidad.
“Patuloy naming susuportahan ang mga programang nagbibigay sa ating mga kabataan ng mas maraming oportunidad. Ang kanilang tagumpay ay bahagi rin ng tagumpay ng ating lungsod, kaya mahalaga na mabigyan sila ng tamang gabay, exposure at pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan,” dagdag ni Paulino.

Photo by: Olongapo City Information Center
Ang Work Immersion Fair ay nagsilbing mahalagang hakbang sa pagpapatatag ng industry-school partnerships, na naglalayong maiugnay ang mga natututuhan ng mga mag-aaral sa paaralan sa aktuwal na pangangailangan ng industriya.
Sa pamamagitan ng mga ganitong programa, patuloy na itinataguyod ng DepEd at ng lokal na pamahalaan ang paghahanda sa mga kabataan tungo sa mas produktibo, kompetitibo at mas maliwanag na kinabukasan.
