Photo by: San Marcelino Public Information Office
STA. FE, Zambales — Muling nagbalik sa face-to-face classes ang Sta. Fe National High School matapos ang halos dalawang buwang pagkaantala dahil sa matinding pagbaha at paglala ng lahar na tumama sa paaralan kasunod ng malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng Habagat.
Kabilang ang paaralan sa mga pasilidad na matinding naapektuhan ng kalamidad, kung saan binaha at natabunan ng lahar ang ilang bahagi ng campus, dahilan upang pansamantalang maantala ang regular na klase.
Sa kabila ng pinsala, muling binuksan ng paaralan ang mga pasilidad nito upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan habang patuloy na tinutugunan ng lokal na pamahalaan ang mga panganib na dulot ng pagbaha at lahar sa lugar.

Photo by: San Marcelino Public Information Office
Kasabay ng pagbabalik ng face-to-face classes, nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan at Barangay Sta. Fe para tukuyin ang mas ligtas at angkop na lugar sa north side o mas mataas na bahagi ng barangay na maaaring paglipatan at pagtatayuan ng bagong paaralan.
Pinangunahan ni Mayor Elvis Ragadio Soria ang koordinasyon ng lokal na pamahalaan sa paghahanap ng posibleng bagong school site, bilang bahagi ng mga hakbang upang mailayo ang mga pangunahing pasilidad ng komunidad sa mga lugar na mataas ang panganib sa pagbaha.
Matatandaang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ni Mayor Soria ang planong ideklarang no-build zone ang southern portion ng Barangay Sta. Fe, na kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ng pagbaha, kabilang ang barangay hall, paaralan at ilang kabahayan.
Ang planong paglilipat ng paaralan sa mas mataas na lugar ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng lokal na pamahalaan na palakasin ang disaster preparedness at tiyaking ligtas ang mga pangunahing pasilidad at residente sa barangay.
Samantala, ang muling pagbabalik ng face-to-face classes ay nagbibigay-daan sa mga mag-aaral na maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral habang isinasagawa ang mga hakbang para sa mas pangmatagalang solusyon sa school infrastructure at kaligtasan ng komunidad. (San Marcelino Public Information Office)
