Photo by: Mayor Anne Adorable-Inton

HERMOSA, Bataan — Nakiisa ang lokal na pamahalaan ng Hermosa sa paggunita ng International Coastal Cleanup Day noong Setyembre 19, 2026, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagpapanatili ng kalinisan sa mga baybaying lugar at daluyan ng tubig sa bayan.

Ayon kay Mayor Anne Lorraine Inton, mahalaga ang sama-samang pagkilos ng pamahalaan at komunidad upang mapanatiling malinis, ligtas at maayos ang kapaligiran ng Hermosa.

Binigyang-diin ni Inton na ang pangangalaga sa karagatan, ilog at iba pang daluyan ng tubig ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan kundi isang pananagutan na dapat gampanan ng bawat mamamayan.

Aniya, sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pakikilahok sa mga programang pangkalikasan, mapoprotektahan ang likas na yaman at mapananatili ang isang malinis at ligtas na komunidad para sa kasalukuyan at mga susunod na henerasyon.

Photo by: Mayor Anne Adorable-Inton

Nakibahagi sa isinagawang coastal cleanup ang mga katuwang na ahensya at sektor, kabilang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) sa pangunguna ni Jake de Luna, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), mga kawani ng lokal na pamahalaan at mga Ina ng Hermosa.

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Inton sa mga ahensya, organisasyon at mamamayang nakiisa sa aktibidad at patuloy na nagbibigay ng suporta sa mga programa ng lokal na pamahalaan para sa pangangalaga at proteksiyon ng kapaligiran.

Layunin ng International Coastal Cleanup Day na palakasin ang kamalayan ng publiko sa epekto ng basura sa karagatan at waterways at hikayatin ang mga komunidad na maging aktibong katuwang sa pangangalaga ng kapaligiran.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *