By: Alex Q. Galang
OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 32-anyos na lalaki matapos makumpiskahan ng humigit-kumulang 2.78 gramo ng hinihinalang shabu sa isang buy-bust operation sa Barangay Barretto noong Setyembre 6.
Sinabi ni PMAJ George Francis B. Molina, hepe ng Police Station 6, na ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng PS6 Drug Enforcement Unit (SPDEU) dakong 2:25 ng hapon noong Setyembre 6 sa Laguna Street, Barangay Barretto, Olongapo City.

Ayon kay Molina, nagresulta ang buy-bust operation sa pagkakaaresto kay Archie Muceros y Medina, alyas “Arren,” 32, walang trabaho at residente ng Sawmill, Barangay Ibayo, Subic, Zambales.
Nakumpiska sa suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang pinagsamang timbang na 2.78 gramo at standard drug price na ₱18,904. Narekober din ang ₱300 marked money na ginamit sa operasyon.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) control number B-2026-036-PRO3-OCPO-PS6.
Dinala sa PS6 ang suspek at mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang disposisyon. Ang imbestigasyon ay pinangangasiwaan ni PMSg Bryan D. Abad.
