Photo: PhilHealth Region 3
CITY OF SAN FERNANDO, PAMPANGA — Mas pinaigting ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando ang serbisyong pangkalusugan sa paglulunsad ng PhilHealth GAMOT Program, na layong magbigay ng libreng access sa essential medicines para sa mga miyembro ng PhilHealth.
Pinangunahan ni Mayor Vilma B. Caluag ang inisyatiba katuwang ang mga opisyal mula sa Department of Health at PhilHealth, kabilang sina Regional Director Dr. Corazon I. Flores, Acting Vice President Atty. Ma. Emily P. Roque, at Acting Branch Manager Dr. Rowena S. Zabat-San Mateo. Isinagawa ang launching sa City of San Fernando Central Pharmacy sa loob ng City Civic Center sa Barangay San Isidro.
Sa ilalim ng programa, maaaring makatanggap ang bawat kwalipikadong miyembro ng hanggang ₱20,000 halaga ng essential medicines kada taon—isang malaking tulong sa pagpapagamot at pagpapanatili ng kalusugan ng mamamayan.
Upang ma-avail ang benepisyo, kinakailangang updated ang PhilHealth membership, makapili ng YAKAP clinic, sumailalim sa konsultasyon sa isang doktor, at kumuha ng iniresetang gamot mula sa YAKAP clinic o GAMOT pharmacy.

Ang YAKAP clinics ay nagbibigay ng primary care services kabilang ang check-up, laboratory, at access sa 21 essential medicines. Samantala, ang GAMOT pharmacy ay naglalaan ng 54 essential medicines na maaaring makuha ng mga pasyente batay sa reseta ng doktor.
Kabilang sa mga itinalagang YAKAP clinics ang iba’t ibang Rural Health Units at ang San Fernando Super Health Center, habang ang City of San Fernando Central Pharmacy ang pangunahing GAMOT pharmacy ng lungsod.
Bukod sa programang GAMOT, patuloy ding pinalalawak ng lungsod ang iba pang health services gaya ng Maternity Care Package (MCP), TB DOTS para sa tuberculosis, Animal Bite Treatment Center, at HUG Center para sa outpatient HIV-AIDS treatment.
Dumalo rin sa programa si City Councilor Reginaldo “G4” David, kasama ang mga kinatawan mula sa DOH at PhilHealth, mahigit 100 Barangay Health Workers, at mga healthcare professionals. Isinagawa rin ang walkthrough ng proseso ng konsultasyon hanggang sa pagkuha ng gamot upang mas maunawaan ng publiko ang programa.
Sa pamamagitan ng PhilHealth GAMOT at YAKAP Program, pinatitibay ng Pamahalaang Lungsod ng San Fernando ang layuning gawing mas abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan—tunay na patunay na sa San Fernando, “Kayabe ka.” (Monifer Bansil)
