By: Gabriel A. Salvana

SUBIC BAY FREEPORT — Tinupok ng malaking sunog ang bahagi ng pabrika ng Philippines Jinboway Technology Ltd. Corp. sa Subic Gateway Park Phase II, Subic Bay Freeport, matapos sumiklab ang apoy noong Miyerkules ng gabi, Nobyembre 4, at kumalat sa mga kalapit na gusali.

Batay sa paunang ulat, dakong alas-10:40 ng gabi nang unang maiulat ang sunog sa ikatlong palapag ng pasilidad ng kumpanya.

Pagsapit ng alas-2:35 ng madaling araw ng Huwebes, Nobyembre 5, patuloy pang lumalakas ang apoy at kumalat sa hanay ng mga gusali sa kabilang bahagi ng pasilidad, dahilan upang bumalot ang makapal at maitim na usok sa malaking bahagi ng Subic Bay Freeport na tanaw maging mula sa malalayong lugar.

Photo By: SBMA Media Production Department

Pinaniniwalaang nakadagdag sa bilis ng pagkalat ng apoy ang maraming nakaimbak na tela at plastik na materyales sa loob ng pabrika na madaling magliyab.

Agad na rumesponde ang SBMA Fire Rescue Team, CDRRMO Fire and Rescue Bravo Team, at mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) mula Subic at Olongapo upang apulahin ang sunog.

Gayunman, hanggang alas-5 ng madaling araw, nagpapatuloy pa ang operasyon ng mga bumbero at wala pang opisyal na deklarasyon na kontrolado na ang apoy.

Wala ring kumpirmadong ulat kung may nasawi o nasugatan sa insidente habang inaalam pa ang lawak ng pinsala sa pasilidad.

Ang Jinboway ay isang manufacturing company na gumagawa ng iba’t ibang produkto gaya ng sapatos, bag, outdoor at sports equipment, damit, tela at mga kagamitang elektroniko. May lawak na mahigit 28,000 metro kuwadrado ang pasilidad nito at tinatayang mahigit 3,400 ang manggagawa.

Noong Setyembre 3, nagsagawa ang kumpanya ng groundbreaking ceremony para sa planong ₱573-milyong pagpapalawak ng operasyon nito, na kinabibilangan ng pagtatayo ng apat na bagong pabrika at inaasahang magbibigay ng karagdagang 1,000 trabaho.

Photo By: SBMA Media Production Department

Samantala, hindi pa matukoy ang pinagmulan ng sunog. Inaasahang magsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga kinauukulang awtoridad matapos tuluyang maapula ang apoy at matiyak na ligtas nang mapasok ang lugar.

Patuloy ding hinihintay ang opisyal na pahayag ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) at BFP hinggil sa sanhi ng sunog, lawak ng pinsala at posibleng casualty sa insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *