By: Alex Galang
OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 25-anyos na parking attendant matapos makumpiskahan ng tinatayang ₱17,748 halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Barretto, Olongapo City, nitong Huwebes ng gabi, Nobyembre 19.
Kinilala ng Olongapo City Police Office (OCPO) ang suspek na si John Loyd Baylon, alyas “Ron-Ron,” residente ng Barangay Pag-Asa, Olongapo City.
Isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Police Station 6 (PS6-DEU) ang operasyon dakong alas-7:40 ng gabi sa Columban Site, Barangay Barretto, na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.

Nasamsam mula sa suspek ang apat na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na tinatayang 2.61 gramo at halagang ₱17,748 batay sa Standard Drug Price (SDP).
Narekober din ng mga operatiba ang isang ₱300 bill na ginamit bilang buy-bust money sa operasyon.
Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng Target Intelligence Packet (TIP) Control Number B-2026-047-PRO3-OCPO-PS6.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 6 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso ng batas.
Sinuri ni Police Major George Francis B. Molina, hepe ng Police Station 6, ang ulat hinggil sa isinagawang operasyon.
