By: Alex Q. Galang

SUBIC, Zambales — Pinalalakas ng pamahalaang bayan ng Subic ang mga programa para sa seguridad sa tubig, pagkain, at kalusugan bilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño sa mga komunidad.

Ayon kay Mayor Jonathan “Jon” Khonghun, nakaposisyon na ang iba’t ibang hakbang upang matiyak na hindi lubhang maaapektuhan ang mga residente at sektor ng agrikultura sakaling maranasan ang matinding tagtuyot sa mga susunod na buwan.

Kabilang sa mga pangunahing paghahanda ng lokal na pamahalaan ang paglalagay sa standby ng 20 water tanker truck na maaaring gamitin para sa agarang distribusyon ng tubig sa mga barangay na makararanas ng kakulangan sa suplay.

Kasabay nito, patuloy ang suporta ng munisipyo sa mga magsasaka sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga binhi at pagbibigay ng teknikal na tulong upang mapanatili ang produksyon ng pagkain sa kabila ng banta ng matinding init at kakulangan sa tubig.

Hindi rin pinababayaan ng lokal na pamahalaan ang kalusugan at kapakanan ng mga residente. Nakaantabay ang mga programang pangkalusugan, food assistance, at rice assistance upang makatulong sa mga pamilyang maaaring maapektuhan ng El Niño.

Ayon kay Khonghun, mahalagang maagapan ang mga posibleng epekto ng tagtuyot bago pa man ito makaapekto nang malaki sa pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan.

Samantala, inaasahan ding mapapalakas ang kapasidad ng bayan sa pagtugon sa mga health emergency sa pagbubukas ng Subic General Hospital ngayong taon.

Patuloy namang nagsasagawa ng monitoring at information campaign ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) upang matiyak na handa ang mga komunidad sa anumang epekto ng El Niño at iba pang climate-related hazards.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *