Nanawagan si Navotas Rep. Toby Tiangco sa pagpasa ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act upang itaguyod ang transparency at pananagutan sa pamahalaan at makatulong na maibalik ang tiwala ng publiko sa mga institusyon ng pamahalaan.

Ayon kay Tiangco, ang kawalan ng transparency sa pamahalaan, lalo na sa paggamit ng pondo ng bayan, ay nagpapalakas ng hinala ng publiko at nagpapahina sa tiwala sa mga opisyal ng gobyerno.

“Wala akong choice kung hindi maghinala, because ayaw maging transparent. When something is not transparent, lalo kang naghihinala,” ani Tiangco.

Itinuro niya ang tila kawalan ng pag-usad ng CADENA Act, na inakda ni Senador Bam Aquino, na naglalayong isulong ang transparency sa paggasta ng pamahalaan sa pamamagitan ng blockchain technology.

Ayon kay Tiangco, naipasa na ng Senado ang panukala sa ikatlo at huling pagbasa, at inaprubahan na rin ito ng House Committee on Information and Communications Technology. Gayunman, ilang buwan na itong nakabinbin sa House Committee on Appropriations.

“Alam naman natin, kapag hindi gumagalaw ang isang bill sa Committee on Appropriations, ayaw,” wika niya.

Nagpahayag si Tiangco ng pagkabahala sa aniya’y pagtutol sa transparency, lalo na’t layunin ng CADENA Act na matulungan ang publiko na subaybayan kung paano ginagastos ang pondo ng pamahalaan.

“Hindi ko talaga alam kung bakit parang may allergy sa transparency. Again, sinasabi ko nga, iyong transparency is a friend if you are not hiding anything because it strengthens the institutions. Ngayon, kung ayaw mong maging transparent, wala nang choice iyong tao kung hindi magduda,” diin niya.

Para kay Tiangco na hindi dapat ituring na banta ang transparency, kundi isang paraan upang palakasin ang mga institusyon, matiyak ang pananagutan, at mapatibay ang tiwala ng publiko sa pamahalaan.

Inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1506, noong Disyembre 15, 2025, sa botong 17-0, na walang tumutol o nag-abstain.

Nanawagan na rin si Aquino sa House of Representatives na aksiyunan ang panukala, na nananatiling nakabinbin sa Kamara sa loob ng 10 buwan mula nang maaprubahan ito ng Senado.

Nauna nang hinimok ni Marikina City 1st District Rep. Marcy Teodoro ang kanyang mga kasamahan sa Kamara na bigyang-prayoridad ang pagpasa ng CADENA Act, na aniya’y makatutulong sa pagpapalakas ng transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan.

Ayon kay Teodoro, dapat kabilang ang CADENA Act sa mga prayoridad na panukalang isusulong ng mga mambabatas dahil itataguyod nito ang higit na transparency sa paggamit ng pambansang badyet at titiyaking mapupunta sa nilalayong paggagamitan ang pera ng taumbayan.

“Of course, ‘yung CADENA Bill ay inaasahan natin magiging priority bill natin itong second regular session para ‘yung access to information and to procurement ay mas maging transparent at ‘yung accountability na sinasabi ay mangyari,” ani Teodoro.

Sinabi ni Teodoro na kailangang magtulungan ang mga mambabatas upang matiyak na maisasabatas ang mga prayoridad na panukala tulad ng CADENA Act.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *