By: Alex Q. Galang
OLONGAPO CITY — Arestado ang isang 35-anyos na lalaki at nakumpiska mula sa kanya ang limang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 2.44 gramo sa isang buy-bust operation sa Barangay Barretto dito noong Setyembre 25.
Ayon kay PMAJ George Francis B. Molina at mga tauhan ng Police Station 6, kinilala ang suspek na si Emerson Belegan y Pascual, alyas “Emer,” may asawa at walang trabaho, at residente ng La Union Street, Barangay Barretto.

Isinagawa ang operasyon ng Police Station 6 Drug Enforcement Unit (PS6DEU) dakong alas-10:40 ng umaga sa Brisas Del Mar Road sa bisa ng Target Intelligence Packet (TIP) Control No. B-2026-038-PRO3-OCPO-PS6.
Bukod sa limang sachet ng hinihinalang shabu, na tinatayang may Standard Drug Price na P16,592, nakumpiska rin ang P300 na ginamit bilang buy-bust money.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Police Station 6 para sa dokumentasyon at kaukulang proseso.
Sinabi ni Molina na patuloy ang kanilang operasyon laban sa ilegal na droga sa lungsod, habang isinasagawa ang kaukulang legal na proseso laban sa suspek.
