Photo by: 69th Infantry Cougar Batallion 7ID
PALAUIG, Zambales — Nagsagawa ang 69th Infantry (Cougar) Battalion, 7th Infantry (Kaugnay) Division, Philippine Army, ng magkakahiwalay na search, rescue and retrieval (SRR) operations sa mga komunidad na naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng southwest monsoon o Habagat noong Agosto 28 at 29, ayon kay 69IB Commanding Officer Lt. Col. Mark Anthony B. Ruelos.
Sinabi ni Ruelos na agad na nagpakilos ang Bravo Company ng mga SRR team upang tumulong sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha sa Olongapo City, Subic at San Marcelino, Zambales.
Pinangunahan ni 1st Lt. Dense Kyle R. Bendaña ang mga rescue team na ipinadala sa mga apektadong lugar, kasama ang mga kinakailangang kagamitan para sa search, rescue at retrieval operations.

Photo by: 69th Infantry Cougar Batallion 7ID
Ayon kay Ruelos, isinagawa ang mga operasyon sa koordinasyon sa mga local government unit (LGU), Municipal at City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO/CDRRMO), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), mga opisyal ng barangay at mga lokal na volunteer.
Sinabi ni Ruelos na bahagi ito ng patuloy na disaster response efforts ng 69IB sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat, partikular sa mga komunidad na nangangailangan ng agarang tulong at pagresponde.
Tiniyak ni Ruelos na nananatiling nakaalerto at handa ang mga tauhan ng 69IB na rumesponde sa mga emergency at makipagtulungan sa mga katuwang na ahensya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa mga kalamidad.
Binigyang-diin niya na patuloy na nakatuon ang 69IB sa pangangalaga sa buhay at kaligtasan ng mga mamamayan, lalo na sa panahon ng kalamidad.
“Sa panahon ng kalamidad, ang 69IB ay laging handang rumesponde, tumulong, at maglingkod para sa kaligtasan ng bawat mamamayan,” ani Ruelos. (69th Infantry Cougar Batallion 7ID)
