By: Alex Q. Galang

OLONGAPO CITY — Limang dialysis patients ang iniulat na nasugatan matapos bumagsak ang elevator ng isang dialysis center sa Barangay Kalaklan, Olongapo City, nitong Lunes ng umaga.

Batay sa paunang impormasyon, pasado alas-6 ng umaga nang mangyari ang insidente sa isang dialysis clinic na matatagpuan sa ikalawang palapag ng gusali.

Ayon sa ulat, pumalya umano ang kable ng elevator at ilang segundo itong huminto bago tuluyang bumagsak mula sa ikalawang palapag patungo sa unang palapag.

Nasa loob ng elevator ang limang indibidwal na pawang mga pasyenteng sasailalim sana sa dialysis nang mangyari ang insidente.

Agad namang isinailalim sa medical assessment at binigyan ng paunang lunas ang mga pasyente. Karamihan sa kanila ay iniulat na nakaranas ng pananakit sa hita, bewang at braso.

Napag-alaman na kabilang ang mga biktima sa unang batch ng mga pasyenteng nakatakdang sumailalim sa dialysis treatment nang mangyari ang insidente.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng insidente at kung nagkaroon ng problema sa elevator cable o iba pang mekanikal na bahagi nito.

Inaalam din ng mga kinauukulang ahensya kung sumusunod sa kinakailangang safety at maintenance requirements ang elevator ng naturang pasilidad.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *