SUBIC, Zambales — Umabot sa kabuuang 121 blood bags ang nakolekta mula sa mga boluntaryong blood donors sa isinagawang Blood Donation Drive ng Municipal Health Office ng LGU Subic kamakailan, sa pakikipagtulungan ng mga kawani ng Waltermart Subic, Philippine Red Cross, at ng kompanyang Seatrium.

Ayon kay Ma. Cristina Sanchez ng Municipal Health Office, 39 blood bags ang nakalap mula sa mga volunteer donors sa aktibidad, habang 82 blood bags naman ang nakolekta sa isinagawang blood donation sa pakikipag-ugnayan sa kompanyang Seatrium sa Barangay Cawag.

Binibigyang-diin ng Municipal Health Office na ang blood donation ay isang boluntaryong gawain na nakatutulong sa pagliligtas ng buhay at may kaakibat ding benepisyo sa kalusugan ng mga blood donor.

Isinagawa ang aktibidad na may temang “Share Life, Give Blood,” bilang bahagi ng pinaigting na blood donation campaign ng tanggapan na naglalayong makalikom ng 1,160 blood bags, katumbas ng isang porsyento ng projected population ng bayan ng Subic.

Samantala, patuloy na hinihikayat ni Dr. Nadjimin Ngilay, Municipal Health Officer, ang mga Subikenyo na may malusog na pangangatawan, may timbang na hindi bababa sa 50 kilograms (110 lbs.), at may edad na 18 hanggang 65 taong gulang na makiisa at boluntaryong magdonate ng dugo.

Ayon pa kay Dr. Ngilay, nakatakda ang mga susunod na blood donation activities sa mga sumusunod na petsa at lugar: Marso 5 sa Aningway-Sacatihan, Marso 14 sa San Isidro Covered Court, Marso 20 sa Barangay Calapacuan, at Marso 26 sa Barangay Calapandayan at sa Philippine Navy. (Marjorie Tomilloso, Subic Public Information Office)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *